ABS-CBN Shutdown Message (May 5, 2020)

ABS-CBN Shutdown Message on May 5, 2020 (2020)
291758ABS-CBN Shutdown Message on May 5, 20202020

TV Patrol

edit

Kapamilya, yan po ang nakalap sa aming mas malawak na pagpapatrol. Hihinto po ang ABS-CBN, DZMM, MOR, at lahat po ng tv at radio stations nito sa buong Pilipinas, ang pag-broadkast pagkatapos po ng aming programa. Ito po ay alinsunod nga ng pagpapatigil po ng operasyon mula sa NTC o National Telecommunications Commission. Kinakailangan po ng aming istasyon ng sapat ng panahon upang maisa-ayos po ang pag-shutdown sa aming kagamitan, at ma-abisuhan ang aming mga tagapanood at tagapagkinig.

Mga Kapamilya, patuloy kaming maglilingkod, kahit wala po tayo sa ere sa Channel 2, mapapanood niyo parin ang aming balita sa TeleRadyo, ANC, news.abs-cbn.com at mga social media account ng ABS-CBN.

Bayan mga Kapamilya, ilang dekada na rin tayong nagkasama, utang na loob namin sa inyo na tinanggap niyo kami sa inyong tahanan gabi-gabi, naging malaking bahagi na kami ng iyong buhay. Karamay sa mga panahon ng kalamidad at paghihirap, kasabay namin kayo sa pagluha sa mga teleserye, magkasama nating pinagbunyi ang mga bayani, mga ordinaryong tao, na nakagawa ng imposible, sabay din nating pinanood na nabuo o mabuo ang kasaysayan sa pamamagitan ng TV Patrol at iba pang news and current affairs program. Isa pong karangalan na maging tagapaglahad ng inyong mga kwento at tagabantay ng mga nasa kapangyarihan. Karangalan po namin maglingkod sa inyo kabayan, hindi man na-renew ang aming prangkisa at pinatitigil ang ating broadkast, nangangako kami sa inyo, hindi kami mananahimik, sa pag-atakeng ito sa ating demokrasya at sa malayang pamamahayag. Sa harap po ng pinakamalaking dagoki at hamon sa aming kumpanya at sa aming hanapbuhay, hinding-hindi namin kayo tatalikuran Kabayan, mga Kapamilya kami, tayo ang ABS-CBN, In the Service of the Filipino, saan man sila naroroon sa buong mundo.