Ang Aklat ni Ester
Kabanata 1
editHindi Sinunod ni Reyna Vasti si Haring Ahasuero
1 Nangyari noon sa mga araw ni Ahasuero, ang Ahasuero na naghari mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan.
2 Nang mga araw na iyon, nang maupo si Haring Ahasuero sa trono ng kanyang kaharian, na nasa kastilyo ng Susa,
3 sa ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya'y nagbigay ng isang malaking handaan para sa kanyang mga pinuno at mga lingkod. Ang hukbo ng Persia at Media at ang mga maharlika at gobernador ng mga lalawigan ay naroon,
4 samantalang ipinapakita niya ang malaking kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangalan at karangyaan ng kanyang kamahalan sa loob ng maraming araw, na isang daan at walumpung araw.
5 Nang maganap na ang mga araw na ito, ang hari ay nagdaos ng isang kapistahan na tumagal ng pitong araw para sa buong bayan na nasa kastilyo ng Susa, sa malalaki at maliliit na tao, sa bulwagan ng halamanan ng palasyo ng hari.
6 May mga tabing na telang puti, at palawit na asul na naiipit ng mga panaling pinong lino at ng kulay-ube sa mga argolyang pilak at mga haliging marmol. Mayroon ding mga upuang ginto at pilak sa sahig na mosaik na yari sa porbido, marmol, perlas at mamahaling bato.
7 Ang mga inumin ay nakalagay sa mga sisidlang ginto na iba't ibang uri, at ang alak ng kaharian ay labis-labis, ayon sa kasaganaan ng hari.
8 Ang pag-inom ay ayon sa kautusan; walang pinipilit, sapagkat ipinag-utos ng hari sa lahat ng pinuno ng kanyang palasyo na gawin ang ayon sa nais ng bawat isa.
9 Si Reyna Vasti ay nagdaos din ng kapistahan para sa mga kababaihan sa palasyo na pag-aari ni Haring Ahasuero.
10 Nang ikapitong araw, nang ang hari ay masaya na dahil sa alak, kanyang inutusan sina Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar, at Carkas, ang pitong eunuko na naglilingkod kay Haring Ahasuero,
11 na iharap si Reyna Vasti na suot ang kanyang korona sa harapan ng hari, upang ipakita sa mga tao at sa mga pinuno ang kanyang kagandahan; sapagkat siya'y magandang pagmasdan.
12 Ngunit si Reyna Vasti ay tumanggi na pumunta sa utos ng hari na ipinaabot ng mga eunuko. Kaya't ang hari ay lubhang nagalit, at ang kanyang galit ay nag-alab sa katauhan niya.
Naalis sa Pagkareyna si Vasti
13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga pantas na nakakaalam ng mga panahon—sapagkat gayon ang paraan ng hari sa lahat ng dalubhasa sa kautusan at sa paghatol,
14 ang sumusunod sa kanya ay sina Carsena, Zetar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena, at Memucan, ang pitong pinuno ng Persia at Media, na nakakita sa mukha ng hari, at naupong una sa kaharian:
15 “Ayon sa kautusan, anong ating gagawin kay Reyna Vasti sapagkat hindi niya sinunod ang utos ni Haring Ahasuero na ipinaabot ng mga eunuko?”
16 At si Memucan ay sumagot sa harapan ng hari at ng mga pinuno, “Si Reyna Vasti ay hindi lamang sa hari nagkasala, kundi pati sa lahat ng mga pinuno, at sa lahat ng mga mamamayang nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuero.
17 Sapagkat ang ginawang ito ng reyna ay mababalitaan ng lahat ng kababaihan, at hahamakin nila ang kanilang mga asawa, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Si Haring Ahasuero ay nag-utos kay Reyna Vasti na humarap sa kanya, ngunit hindi siya pumunta!’
18 Sa araw na ito ang lahat ng kababaihan ng mga pinuno ng Persia at Media, na nakabalita ng ginawang ito ng reyna ay magsasabi ng gayon sa lahat ng pinuno ng hari, kaya't magkakaroon ng napakaraming paghamak at pagkapoot.
19 Kung ikalulugod ng hari, maglabas ng utos ang hari, at isulat sa mga kautusan ng mga taga-Persia at mga Medo, upang huwag mabago, na si Vasti ay hindi na makakalapit kay Haring Ahasuero; at ibigay ng hari ang kanyang pagkareyna sa iba na mas mabuti kaysa kanya.
20 Kaya't kapag ang batas na ginawa ng hari ay naipahayag sa kanyang buong kaharian, sa buong nasasakupan nito, lahat ng babae ay magbibigay sa kanilang mga asawa ng karangalan, maging mataas at mababa.”
21 Ang payong ito ay ikinatuwa ng hari at ng mga pinuno; at ginawa ng hari ang ayon sa iminungkahi ni Memucan.
22 Siya'y nagpadala ng mga sulat sa lahat ng mga lalawigan ng kaharian, sa bawat lalawigan sa sarili nitong paraan ng pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika, na ang bawat lalaki ay magiging panginoon sa kanyang sariling bahay at magsalita ayon sa wika ng kanyang bayan.