Ang Pagbabalik
by José Corazón de Jesús
300235Ang PagbabalikJosé Corazón de Jesús

Babahagya ko nang sa noo’y nahagkan,
Sa mata ko’y luha ang nangag-unahan;
Isang panyong puti ang ikinakaway,
Nang siya’y iwan ko sa tabi ng hagdan:
Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,
Mamatay ako, siya’y nalulumbay!

Nang sa tarangkahan, ako’y makabagtas
Pasigaw ang sabing, “Magbalik ka agad!”
Ang sagot ko’y “Oo, hindi magluluwat!”
Nakangiti akong luha’y nalaglag…
At ako’y umalis, tinunton ang landas,
Nabiyak ang puso’t naiwan ang kabiyak;

Lubog na ang araw, kalat na ang dilim,
At ang buwan nama’y ibig nang magningning:
Maka orasyon na noong aking datnin,
Ang pinagsadya kong malayang lupain:
Kuwagong nasa kubo’t mga ibong itim,
Ang nagsisalubong sa aking pagdating.

Sa pinto ng naro’ong tahana’y kumatok,
Pinatuloy ako ng magandang loob;
Kumain ng konti, natulog sa lungkot,
Ang puso kong tila ayaw nang tumibok;
Ang kawikaan ko, “Pusong naglalagot,
Mamatay kung ako’y talaga nang kulog!”

Nang kinabukasang magawak ang dilim,
Araw’y namimintanang mata’y nagniningning;
Sinimulan ko na ang dapat kong gawin:
Ako’y nag-araro, naglinang, nagtanim;
Nang magdidisyembre, tanim sa kaingin,
Ay ginapas ko na’t sa irog dadalhin.

At ako’y umuwi, taglay ko ang lahat,
Mga bungang-kahoy, isang sakong bigas;
Bulaklak na damo sa gilid ng landas,
Ay pinupol ko na’t panghandog sa liyag;
Nang ako’y umalis, siya’y umiiyak…
O, marahil ngayon, siya’y magagalak!

At ako’y lumakad, halos lakad takbo,
Sa may dakong ami’y meron pang musiko,
Ang aming tahana’y masayang totoo
At nagkakagulo ang maraming tao…
“Salamat sa Diyos!” ang nabigkas ko,
“Nalalaman nila na darating ako.”

At ako’y tumuloy… pinto ng mabuksan,
Mata’y napapikit sa aking namasdan;
Apat na kandila ang nangagbabantay;
Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;
Mukha nakangiti at nang aking hagkan;
Para pang sinabi “Irog ko, paalam!”


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)