Ang Reyna Elena (1915)
by Pascual de Leon
300831Ang Reyna Elena1915Pascual de Leon

Ayu’t lumalakad. Magarang magarang
animo’y bituing nahulog sa lupa,
kung minsa’y nagiging hibang itong diwa
at kung magkaminsa’y para akong bata,
paano’y hindi ko masukat sa haka
ang nararapat kong ihaing paghang̃a.

Kung kita’y itulad sa dakilang araw
at ako ang lupa, ang lupang tuntung̃an,
ay masasabi mong ako’y walang galang
at ako ay bihag niyong gunam-gunam.
Subali’t butihin! Ang aking tinuran
ay tibok at utos ng̃ katotohanan.

Kung ikaw’y Reyna man sa ganda’t ugali,
naman sa pang̃arap, ako’y isang Hari;
kaya’t kung sabihi’y tala kang mayumi,
hamog sa umaga, bang̃ong walang pawi,
ikaw ay manalig, manalig kang tang̃i
at ang nagsasabi’y nabatu-balani.

Hanggang tumataas iyang kalagayan
nama’y naiingit itong kapalaran,
ang gunitain ko ay baka mawalay
sa puso mo’t diwa ang aking pang̃alan,
kung magkakagayon, irog ay asahang
sa aki’y babagsak ang Sangkatauhan.

Sa iyo’y bagay ng̃a yaong pagka-Reyna,
pagka’t sa ayos mo’y isa kang Zenobia,
may puso kang Judith, may ng̃iting Ofelia,
may diwang de Arco’t may samyo kang Portia,
samantalang ako, akong umaasa’y
isa lamang kawal na lunód sa dusa.

Sa paminsan-minsa’y maanong kuruing
wala nang itagal ang aking damdamin,
kung magdaramot ka, Reyna kong butihin
at di mahahabag sa pagkahilahil
ay iyong asahang ang aking paggiliw
ay magkakalbaryong walang pagmamaliw.


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)