Ang Salapi (1926)
by José Corazón de Jesús
300236Ang Salapi1926José Corazón de Jesús

Ang salapi‘y parang tubig, natutuyo’t bumabalong
kung alam mong magpaagos ay dadaloy nang dadaloy.
Sa pagsalok, ang kamay mo’y kailangang nakatikom,
kung padakot, nawawala; kung palahad, natatapon.

Ang salapi ay may bibig, namumuri’t nanunuya,
mapamuri sa mayaman; sa mahirap, mapang-aba;
Sa mayaman, kumakanta, mataginting at may tula,
sa mahirap, ang kalansing kung kumanta, parang tingga.

Ang mukha ng mga tao’y nababago ng salapi,
kung wala ka, makangunot; kung mayr’on ka, nakangiti.
Pati gulang na ng tao’y humahaba’t umiigsi,
kung wala ka, tandang lelong; kung mayr’on ka, batang munti.

Ang salapi’y isdang paing panghuli ng kapwa isda,
sa puhunang isang libo, mahuhuli’y isang laksa;
nanganganak sa mayaman at baog sa maralita,
palaka sa mahihirap, dakmain ma’y di madakma.

Ang salapi’y mahimala, bumubuhay, sumasawi
kahit pilay, ilalakad, ngingipinan kahit bungi.
Kung salapi ang kaaway, matakot ka sa salapi
gagantihan ka ng iba’y may iba kang katunggali.

Pati tiyan na ng tao, sa salapi’y umaayon,
kung mayr’on ka, laging busog; kung wala ka, nagugutom.
May salapi, di mapansin ang pagkain sa maghapon,
at kung wala, ang tiyan mo’y sumisigaw, tumututol.

Gayong bilog ang salapi, naaaring ipanggapos,
kapag ikaw’y natalian mahirap nang makakilos;
hindi baril, hindi sumpak, bumubulag kung pumutok,
kapag ikaw’y tinamaan, nawawalan ka ng loob.

Nabibili ng salapi ang mukha ng kapisanan,
nabibili ng salapi ang papuri’t karangalan;
ang di lamang mabibili at bilhin ma’y magtatanan
ay ang puso ng dalagang wagas hanggang kamatayan.


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)