Barong Tagalog (1921)
by José Corazón de Jesús
299868Barong Tagalog1921José Corazón de Jesús

Ikaw ay hinabi ng mga dalaga
sa gintong himaymay ng husi't abaka,
saka nang mayari'y ipinasuot ka
sa isang bayaning nakikipagbaka!

Nang maisuot ka'y nagtungo sa parang
na walang sandata kung hindi kampilan,
hinipan ang kanyang tambuling panlaban
at nagsipagbangon ang anak ng bayan!

Ang asawa't anak na nangaulila
sa gitna ng dilim ay di nakasama,
tanging ikaw lamang ang naging saksi pa
kung pa'no hinanap ang isang umaga...

Nang magahi ka na't magkabutas-butas
sa tama ng bala'y magkasawak-wasak,
saka hinubad ka sa katawang tigmak
ng sawing bayaning sa dilim nalagas!

Basa ka ng dugo, tadtad ka ng tama,
O! barong tagalog na lubhang dakila,
at nang iuwi ka sa datihang dampa
sa asawa't anak, napuno ng luha!

Ang tibok ng puso ng mga bayani
ay napakinggan mo't sa iyo sinabi,
kasama ka nila sa dilim ng gabi't
kasama ka nila sa pagkaduhagi!

Hinagkan-hagkan din ng isang asawang
sa yumaong irog ay kasuutan ka!
Ginamit na baro sa pakikibaka
at barong ginawang huling alaala!

O! Barong Tagalog, baro ka ng dangal,
barong katutubong hindi hiram lamang!
Isinusuot ka kung may kasayahan,
naduduguan ka kung may himagsikan!


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)