300891BuhayAmado V. Hernandez

Ang mundo ay lipos
ng kababalaghan,
ang buhay ay ilog na galing kung saan,
malayo ang puno kaysa katapusan.

Ang buhay ay tila
isang paru-paro
na ang hinahanap ay sariwang bango,
sa kabanguhan din laging nalalango.

Munting alitaptap
ang nakakahambing,
ilaw na malamlam ang baon sa dilim,
at tinatanglawan ang sariling libing.

Wari’y saranggolang
pagkatayug-tayog,
ngunit sa bahagyang tantang ay sumubsob
at sa pusalian tuluyang nahulog.

Kawangis ng ulap,
pumantay sa langit,
subalit ang hangin nang biglang umihip,
ulang bumabagsak sa bundok at batis.

Isang bulalakaw
na tila tala rin,
sa kinalagpaka’y nang aking hanapin,
ay pangit na batong sing-itim ng uling.

Habang nagsisikap
at nag-aadhika,
dahil sa pangarap na ligaya’t tuwa,
lalong sinisiil ng pagdaralita.

Ang bawat maganda’y
dagling nagwawakas,
kaya mamaghapon lamang ang bulaklak,
kaya ang bitui’y iisang magdamag.

Ang buhay ay sadyang
malalim na bugtong,
kung saan ka mula’y ipinagtatanong
at di mo rin alam kung saan paparon.

Dakila ang buhay
na parang bulaklak,
bangong sa maghapo’y nasamyo ng lahat,
at pinaligaya bawat nakalanghap.


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)