Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya

Hibik ng Pilipinas (1888)
Hermenegildo Flores
300805Hibik ng Pilipinas1888Hermenegildo Flores

Inang mapag-ampon, Espanyang marilag,
nasaan ang iyong pagtingin sa anak?
akong iyong bunsong abang Pilipinas
tingni't sa dalita’y di na makaiwas.

Ang mga anak kong sa iyo’y gumigiliw,
sa pagmamalasakit ng dahil sa akin;
ngayo’y inuusig at di pagitawin
ng mga prayleng kaaway mong lihim.

Sa bawat nasa mong kagaling-galingan,
ayaw ng prayleng ako’y makinabang,
sa mga anak ko’y ang ibig lamang
isip ay bulagin, ang bibig ay takpan.

Nang di maisigaw ang santong matuwid
na laban sa madla nilang ninanais
palibhasa'y wala silang iniisip
kundi ang yumaman at magdaya ng dibdib.

Sa pagpapalago ng kanilang yaman
bendita't bendisyon lamang ang puhunan,
induluhensiya't iba't ibang bahay
ng mga sagrado naman ang kalakal.

Sapagkat anumang bilhin sa kanila,
kaya namamahal, dahil sa bendita,
kahit anong gawin pag may halong kanta
ay higit sa pagod ang hininging upa.

Ibig ng simbaha't kumbentong marikit
organo't kampana aranyang nagsabit;
damasko't iba pa, datapwa't pawis
ng bayan kukunin, mahirap mang kahit.

Ani sa asyenda't kita sa simbahan
sa minsang mapasok sa mga sisidlan
ng mga kumbento'y di na malilitaw
kaya naghihirap, balang masakupan.

Ang dulo'y marami sa mga anak ko
ang di makabayad sa mga impuwesto
sa gayong katataas ng mga rekargo
pagka't kailangan naman ng estado.

Sa bagay na iyan, ang mga mahirap
na walang pagkunan ng dapat ibayad,
sa takot sa Sibil, aalis ngang agad,
iiwan ang baya't tutunguhi'y gubat.

Dito pipigain naman ang maiiwan,
na di makalayo sa loob ng bayan,
siyang pipiliting magbayad ng utang
kahima't wala ng sukat na pagkunan.

Maghanapbuhay ma'y anong makikita
wala nang salapi, ibayad ang iba
pagkat naubos nang hititin ng kura
sa pamamagitan ng piyesta't iba pa.

Sa limit ng mga piyesta't mga kasayahan
ay walang ginhawang napala ang bayan
kundi ang maubos ang pinagsikapang
sa buhay ng tao'y lalong kailangan.

Ang kapalaluang paggugol ng pilak
nang dahil sa pyesta ay di nag-aakyat
sa langit, kundi ang santong pagliyag
ng puso ang siya lamang hinahanap.

Niyong ang ating Amang hindi madadaya
sa inam ng pyesta at lagi ang ganda,
sapagkat ang ating gawang masasama
ay di mangyayaring bayaran ng tuwa.

Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat
at ito ang siyang lalong nararapat
ngunit ang prayle'y walang hinahangad
kungdi magpalalo't ang baya'y maghirap.

Ang pangako nila sa mga anak ko
ay magbigay lamang sa mga kumbento
ng kuwalta'y sa langit naman patutungo
at ligtas sa madlang panganib sa mundo.

Saka sasabihing ang kanilang aral
ay utos ni Kristong dapat na igalang
bago hindi'y gayo't kauna-unahang
lumalabag sila sa Poong Maykapal.

Ang mga anak ko'y turuan nga lamang
ng bala-balaking dapat matutuhan
kahima't maubos ang lahat ng yaman
kikilanlin ko pang darakilang utang.

Dapwa'y sa akin daya at pag-api
ang siyang nakayang pawang iginanti,
kaya hanggang ngayon sa ikabubuti
ng kalagayan ko'y wala pang masabi.

Gayunmay'y ako pa ang siyang masama
kung aking idaing yaring pagkaaba,
sarisaring dusa nama'y nagbabala
sa balang dumamay sa aking pagluha.

Yamang may hustisyang hindi humihibik
kung dili sa balang ayon sa matuwid
sa di natutulog na awa ng langit
ipauubaya yaring pagkaamis.

Ngunit hindi kaya ngatngatin ng pula
ng ibang potensya sa balat ng lupa
ang kamahalan mo kung mapag-unawang
sa anak ay inang tunay ang dumusta?

Hanggang dito ina't ang bahala'y ikaw
dangal mo'y tanghalin ng sansinukuban
ang pagkakasundo ng lahat mong kawal
ay lumagi nawa sa kapayapaan.


This work was published before January 1, 1929, and is in the public domain worldwide because the author died at least 100 years ago.