Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose Rizal
Salin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez
356169Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose RizalSalin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez


Ang tang̃ing sumasalubong sa pagdatíng ng̃ mg̃a guinoong babae ay isáng babaeng matandang pinsan ni capitán Tiago, mukhang mabait at hindî magaling magwicang castilà. Ang pinacaubod ng̃ canyáng pagpapakitang loob at pakikipagcapuwa tao'y walâ cung ang dî mag-alay sa mg̃a española ng̃ tabaco at hitsô, at magpahalíc ng̃ canyang camáy sa mg̃a filipina, na ano pa't walang pinag-ibhán sa mg̃a fraile. Sa cawacasa'y nayamot ang abáng matandang babae, caya't sinamantala niya ang paglagapác ng̃ isang pinggang nabasag upang lumabás na dalidalì at nagbububulong:

—¡Jesus! ¡Hintay cayó, mg̃a indigno[26]!

At hindî na mulíng sumipót.

Tungcol sa mg̃a lalaki'y nang̃agcacaing̃a'y ng̃ cauntî. Umaaticabong nang̃agsasalitaan ang iláng mg̃a cadete[27]; ng̃uni't mahihinà ang voces, sa isa sa mg̃a súloc at manacanacang tinitingnan nila at itinuturo ng̃ dalirî ang iláng mg̃a taong na sa salas, at silasila'y nang̃agtatawanang ga inililihim ng̃ hindi naman; ang bilang capalit nama'y ang dalawang extrangero[28] na capowâ nacaputî ng̃ pananamit, nang̃acatalicod camáy at dî umíimic ay nang̃agpaparoo't paritong malalakí ang hacbang sa magcabicabilang dulo ng̃ salas, tulad sa guinágawâ ng̃ mg̃a naglalacbay-dagat sa "cubierta"[29] ng̃ isáng sasacyán. Ang masaya't mahalagáng salitàa'y na sa isang pulutóng na ang bumubuo'y dalawang fraile, dalawang paisano[30] at isáng militar na canilang naliliguid ang isáng maliit na mesang kinalalagyan ng̃ mg̃a botella ng̃ alac at mg̃a biscocho inglés[31].