Inang Wika
by Amado V. Hernandez
300885Inang WikaAmado V. Hernandez

Ako’y ikakasal..
ang aming tahana’y
masayang katulad ng parol kung pista, magara’t makulay;
kangina pa’y walang patlang ang tugtugan,
agos ang regalo’t buhos ang inuman;
ang aking magiging kabiyak ng buhay
isang kanluraning mutyang paraluman:
marilag, marangya, balita, mayaman,
sadyang pulutgata sa bibig ng isang mundong kaibigan.
Sa tanging sasakyan
nang kami’y lumulan,
may natanaw ako sa tapat ng bahay
na isang matandang babaing luhaan;
subali’t sa gitna ng kaligayahan,
sa harap ng aking gintong kapalaran,
siya ay hindi ko binati man lamang
at hindi ko siya pinansin man lamang,
tuluy-tuloy kami sa nagagayakang simbahan sa bayan.

Kapwa maligayang nagsiluhod kapwa
sa paa ng altar, sa pilak at gintong masamyong dambana;
pagkasaya-saya’t ang mga kampana
ay nagtitimpalak sa pagbabalita
ng aming kasalang lubhang maharlika:
datapwa,
ang larawang buhay ng kaawa-awa
— ang matandang yaon — wari’y nakalimbag sa mata ko’t diwa;
at ang tumutulong luha ng kandila
tila ang kanya ring masaklap na luha;
gayon man, sa piling ng kahanga-hanga
at sakdal ng gandang kaisangpuso ko’y niwalangbahala
ang pagkabalisa, at ang aking budhi’y dagling pinayapa.

Natapos ang kasal…
maligayang bati, birong maaanghang
at saboy ng bigas ang tinanggap namin pagbaba sa altar;
nang mga sandaling pasakay na kami sa aming sasakyan
ay may alingasngas akong napakinggan…
at aking natanaw:
yaon ding matanda ang ligid ng taong hindi magkamayaw;
ako’y itinulak ng hiwagang lakas na di mapigilan
at siya’y patakbong aking nilapitan;
nang kandungin ko na sa aking kandungan,
sa mata’y napahid ang lahat ng luha, dusa’t kalungkutan,
masuyong nangiti’t maamong tinuran:
“Bunso ko, paalam,
ako ang ina mong sawing kapalaran…”
at ang kulampalad ay napalungayngay,
at nang aking hagkan
ay wala nang buhay.
sa nanginginig kong bisig din namatay!
Siya’y niyakap ko nang napakatagal:
Inang! inang! inang!
Ayaw nang balikan
ng tibok ang pusong sa hirap nawindang,
kahi’t dinilig ko ng saganang luha ang kawawang bangkay.

Noon ko natantong ang ina kong mahal,
ang Inangwika kong sa aki’y nagbigay
ng lahat kong muni, pangarap at dangal,
subali’t tinikis sa gitna ng aking ginhawa’t tagumpay
at mandi’y pulubing lumaboy sa labis na karalitaan,
namatay sa kanyang dalamhating taglay
nang ako’y sa ibang mapalad magmahal,
nang ako’y … tuluyang pakasal
sa Wikang Dayuhan!


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)