Kundiman ng Puso (1915)
by Pascual de Leon
300824Kundiman ng Puso1915Pascual de Leon

Pang̃alang sing-bang̃o ng̃ mg̃a sampaga,
laman ng̃ tulain, hamog sa umaga,
awitan ng̃ ibong kahalihalina,
bulong ng̃ batisang badha ng̃ ligaya.

Sa aki’y sukat na ang ikaw’y mamalas,
upang magkadiwa ang aking panulat,
sa aki’y sukat na ang bang̃o mong ing̃at
upang ikabuhay ng̃ imbi kong palad.

Ikaw ang may sala! Bulaang makata
ang hindi sa iyo’y mahibang na kusa,
bulaang damdamin ang di magtiwala
sa ganda mong iyan, ng̃ lahat ng̃ nasa.

Yamang ginulo mo ang aking isipan
at naging ng̃iti ka sa aking kundiman,
bayaan mo ng̃ayong sa iyo’y ialay
ang buong palad kong tang̃ing iyo lamang.

Napakatagal nang ikaw’y natatago
sa pitak ng̃ aking lumuluhang puso,
ang iyong larawa’y talang walang labo
at siyang handugan ng̃ aking pagsuyo.

Kung nagbabasa ka’y tapunan ng̃ malay
ang kabuhayan kong walang kasayahan,
kung masasamid ka’y iyo nang asahan
na ikaw ang aking laging gunamgunam.

Sa paminsanminsa’y tapunan ng̃ titig
ang isang makatang hibang sa pagibig,
bago ka mahiga’y tuming̃in sa lang̃it
at mababakas mong ako’y umaawit.


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)