Noo’y Isang Hapon
(Kay......................)
Noo’y isáng hapon! Ikaw’y nakadung̃aw
At waring inip na sa lagay ng̃ araw,
Ang ayos mo noon ay nakalarawan
Sa puso kong itong tigíb kalumbayan.
Anománg gawin ko’y hindi na mapawi
Ang naging anyo mong pagkayumi-yumi,
¡Itóng aking pusong nagdadalamhati’y
Tinuruan mo pang umibig na tang̃i!
Kung nang unang dako’y hindi ko nasabi
Sa iyo ang aking tunay na pagkasi
Ay pagka’t ang aking puso ay napipi
Sa haráp ng̃ dikít na kawiliwili.
Sa ng̃ayo’y naritó at iyong busabos
Ang aking panulat at aking pag-irog;
Ang aking panitik: walang pagkapagod,
Ang aking pag-ibig: walang pagkatapos.
Kung pang̃arapin ko ang lamlam ng̃ araw
At nagíng anyo mo sa pagkakadung̃aw
Ay minsang sumagi sa aking isipang
“¿Ikaw kaya’y aking magíng Paraluman?”
This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
|