Page:Dating Pilipinas (microform) (IA aqj5844.0001.001.umich.edu).pdf/52

This page has been validated.


— 47 —

Kung ang babae ang humihiwalay sa asawa upang mag-asawa sa iba ay kailangang isauli ang bigay-kaya at dagdagan ng isang gayon, na ang magsasauli nang nabangit na bigay-kaya ay ang magiging bagong asawa. Nguni't kung humihiwalay lamang at hindi upang mag-asawa sa iba ay ang bigay-kaya lamang ang isinasauli.

Kung ang lalaki ang humiwalay, maging sa pag-aasawa sa iba ó hindi man at hindi kalooban ng babae ay walang matuid ang lalaki na bumawi ng bigay-kayang ibinigay niya ayon sa salaysay ni P. Colin; nguni't ani P. Placencia ay isinasauli ang kalahati ng bigay-kaya.

Kung ang mag-asawang naghihiwalay ay may anak ay napapa sa anák ang bigay-kaya at ang nag-iingat nito ay ang mga nuno kung buhay pa ó kung dili ay isang taong mapagkakatiwalaan. Nguni't ani P. Aduarte ayon sa salaysay ni Rizal ay hindi na naghihiwalay ang magasawa kung may anak dahil sa paglingap sa anák.

————————


Iba't ibang kapaslangan
————————

Ang sumira ng puri ng isang anak na dalaga ó asawa ng isang maginoo ay nilalapatan ng parusang kamatayan.