I. SANGGUNIAN NG MGA DIYUS-DIYUSAN
(TALINGHAGA)
TANGING YUGTO
Kapulungan ng mga diyus-diyusan sa Olimpo
Si JUPITER1 ay nakaupo sa kanyang tronong ginto na napapalamutihan ng mahahalagang mga bato, at hawak ang kanyang setrong yari sa kahoy na sipres; nasa kanyang paanan ang isang agilang ang mga balahibong patalim ay kumikinang ng iba't ibang kulay; ang mga lintik, na siya niyang kakilakilabot na mga sandata, ay nangasa sahig. Sa gawing kanan niya ay naroroon ang kanyang asawa, ang mapanibughuing si JUNO,2 na may kumikinang na putong sa ulo at isang mapagparangyang "pabo real". Sa dakong kaliwa niya ay naroon si PALAS (Minerva),3 ang paham sa karunungan, anak niya at tagapagpayo ni JUPITER, napapalamutihan ng kanyang salakot at ng kakila-kilabot na kalasag, napuputungan ng kulay luntiang olibo at buong garang hawak ang kanyang mabigat na sibat. Kaibang-kaiba rito ay naroon si SATURNO,4 na nakatalungko at nakatingin mula sa malayo sa magandang pulutong. Sa isang maganda at walang kaayusang anyo ay naroroon ang maalindog na si VENUS,5 nakahilig sa isang higaang puno ng mga rosas, napapalamutihan ang ulo ng mababangong bulaklak ng mirto at malumanay na naglalambing sa pag-ibig;6 ang maladiyos na si APOLO, na malumanay na kumakalabit ng kanyang lirang
1 Si Jupiter, ang pinaniniwalaan ng mga romano at mga griego noong
unang panahong ang kinikilalang Diyos na tunay, na siyang Diyos sa isang
Kalangitang tinatawag nilang Olimpo. Si Jupiter ang nakapangyayari sa
lahat, doon sa Olimpo at dito man sa lupa sa lahat ng nilalang.
2 Si Juno ay isang diyosa ng mga romano, na siya nilang pinaniniwalaang nakapangyayari at nag-iingat sa mga malalaki at maliliit na pintuan,
durungawan at iba pa.
3 Si Palas ay si Minerva rin; ipinalalagay na diyosa ng karunungan at
ng katalinuhan.
4 Si Saturno ang ipinalalagay ng mga romanong tagapag-ingat ng mga
binhi, kaya siya na rin ang pinaka-ingat-yaman.
5 Si Venus, ang diyosa ng pag-ibig at ng kagandahan.
6 Cupido, ito ang diyos ng pag-ibig, kinakatawan ng isang batang may pakpak, maganda, maydalang pana, mga busog at napuputungan ng isa pang koronang pawang bulaklak na mahalimuyak. Kasabihang kapag itinudla niya sa puso ninuman ang isa sa mga busog niya ay hindi maaaring hindi umibig.
1