Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/101

This page has been proofread.

10.—SA PAMAMAGITAN NG TELEPONO

Noong taong 1900 ay kauna-unahang ikinabit ang Filipinas sa Madrid sa pamamagitan ng kawad ng telepono. Ito’y inilagay ng isang samahang pinamumunuan ng mga Ingles at mga Katalan. Ang samahang ito’y tinawag na The Trans-Oceanic Telephone Co. na noong kanyang kapanahunan ay lubhang napabantog sanhi sa mga kaisipang totoong pangahas.

Salamat sa lubos na kagalingan ng mga kasangkapan, ay maaaring mapakinggan buhat sa Madrid ang mga mahiwagang buntong-hininga ng mga prayle na nangagdarasal sa harap ng mga banal na larawan. Maririnig ang kanilang mga panalanging batbat ng pagmamakaawa, ang kanilang mga pangungusap na nagtataglay ng pagpapakumbaba at pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. Maririnig sampu ng kanilang pasasalamat tuwing sila’y tumatanggap ng mga limos na bigas at tunsoy na ipinagkakaloob ng mga mamamayang habag na habag sa kanila sapagka’t walang tigil ang kanilang pangingilin at pag-aayuno. Gayon na lamang kainam ng telepono na pati ng katahimikang naghahari sa mga silid-kainan, at ang langutngot ng pagngalot ng mga prayle ay maririnig, at sa pamamagitan ng mga ito’y tiyakang mapag-aalaman na kahit na ang pinakamatakaw sa mga prayle ay hindi kumakain nang higit pa sa limang subo sa buong maghapon.

— Kayhihirap at kaybabanal nitong mga paring ito! — ang bulalas sa Madrid ng mga makademokrasiya na nangabagbag ang loob.

— Kayhihirap at kaybabanal ng mga paring ito! ang ulit ng telepono sa Pilipinas, at ang papuring ito’y inilathala sa lahat ng dako, sa mga bahay-pari, sa mga simbahan, at sa iba’t iba pang lunan,

Nang ang papuring ito’y marinig ng mga prayle, ay lalo nang binawasan ang kanilang subo sa takot na baka may sino mang indiyong nagugutom. Tinuturuang bumasa at sumulat ang mga bata, at pilit nilang tinuturuan “ng wikang kastila, bagama’t ang pagtuturong ito’y ikinapagtiis nila ng hindi kakaunting paglait at sampal ng mga magulang ng mga bata, dahil sa kapangahasang imulat ang mga mata ng mga batang yaon.

Purihin nawa ang Diyos! — ang itinutugon ng mga prayle kung sila’y sinasampal, sabay ng paghahandog ng _ kabilang pisngi.

92