Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/104

This page has been proofread.


upang sa gayong paraan ay yumaman tayo, maging palalo, makapangyarihan at mahilig sa kalupaan. Hindi mo ba nalalaman na ang sawimpalad na taga-Kalambang iyan ay walang ibang minimithi kundi ang tayo’y tumupad sa ating mga panata na magpayaman, magpalalo, at magmahalay, na sa atin ay iniatang ng mga lapastangang nagtatag ng ating relihiyon? Kaya nga, huwag kang makikinig na muli sa ganyang mga handog. Naiintindihan mo ba?

Dito, kami’y hindi lamang gumagawa at nagtatayo ng mga simbahan sa tulong ng aming mga bisig. Hindi lamang kami nagtatanim at sumasaklolo sa mga dukha. Ang kaunting sa amin ay ibinibigay ay ipinagkakaloob pa namin sa mga mayayaman at sa mga nagmamataas upang kami’y lalo nilang pagmalupitan, upang ang kanilang kasakima’y mag-ulol at kami’y kanilang pagsamantalahan at paghiraping lalo’t lalo, at upang kami’y ikulong nila sa mga bilangguan, ipatapon at iba pa... Sa ganitong paraan ay napalalaganap namin sa lahat ng dako ang kautusan ni Kristo at naipangangaral namin sa mga pulo na sa amin ay pinagtatapunan, at kumakapal ang tumutulad sa amin . . . Kaya naman wala ni isa mang igorote, wala ni isa mang hindi sumasampalataya kahit na sa mga bulubundukin, at lahat-lahat din ay nagsasamantala sa amin gaya nang kinamihasnan ng mga kristiyano.

Ang nararapat mong imungkahi sa Ministro upang magtagumpay ang ating aral ay ito: na nararapat nilang parisan ang mga “pretor” ng mga romano, at sila’y magpadala rito ng mga tagapamahalang malulupit, mahihilig sa dugo, mangagsisiyurak sa mga batas at mangag-uusig sa atin, Sa ganyang paraan ay magigising ang mga nahihimlay, magiging matibay ang mga nanghihina, at mapupukaw ang pansin ng mga nagwawalang bahala, na sadyang marami, napakarami ang bilang . . . . Tandaan mo, Na upang maipagwagi ang alin mang mithiin, ito’y nararapat na pag-usigin . . . Hayo na at kami’y iyong ipausig! Samantala ay ipinarurusa ko sa iyo, palibhasa’y hindi ka naman hambug o komedyante, na ikaw ay magparetrato sa iba-ibang katayuan, datapuwa’t lagi na sa isang lagay na parang ikaw ay nagninilay-nilay at sumusulat ng isang pangaral, may tangang panulat at nasa tabi ng isang ilawan. Huwag mong limuting ikaw ay dapat magsalamin sa mata kahit na hindi malabo ang iyong mga mata. Naiintindihan mo ba? Ipakikita mo ang mga retrato sa madla, upang ang lahat ng tao ay magwika, kahit na hindi nila pinaniniwalaan: “Lubhang palaisip siya! nararapat na maging isang dakilang mananalumpati itong si Salvadorsito Font! Lagi na siyang sumusulat ng

95