at sa mga diyus-diyusan, si Mariang Makiling ay nanatiling birhen,
walang karangyaan at mahiwaga, gaya ng hilagyo o diwa ng kabundukan. Pinatototohanan sa akin ng isang matandang babaing
naging katulong namin — ang babaing ito'y napakalaki at nagtanggol sa kanyang bahay laban sa mga tulisan, at isa sa mga ito'y
napatay niya sa isang saksak ng sibat — na noong siya'y bata pa,
ay nakita niya buhat sa malayo si Mariang Makiling. Ito'y nagdaraan noon sa ibabaw ng mga kugunan at lubhang mabilis at napakagaan na parang may sa-hangin, at hindi man lamang nababaluktot ang malalambot na dahon ng kugon. Sinasabing kung gabi
ng Biyernes Santo, kapag ang mga mangangaso ay nangagsisiga
upang akitin ang mga usa sa pamamagitan 'ng amoy ng abo, na
totoong kinawiwilihan nila, si Mariang Makiling ay naaaninag sa
malayo, walang kakilus-kilos sa gilid ng mga lalong mapanganib na
bangin, binabayaang iwasi-wasiwas ng hangin ang mahaba niyang
buhok na nagniningning sa liwanag ng buwan. Sinasabi ring manaka-naka'y minamarapat niyang lumapit sa mga tao, at sa gayo'y
nagpupugay nang buong paggalang, nagdaraan at nawawala sa lilim ng mga kanugnog na kakahuyan. Ayon sa iba pang sabi-sabi,
siya'y kinalulugdan at pinagpipitaganan ng lahat, at walang sinumang makapangahas na magtanong, sumunod, o magmanman sa
kanya. Siya'y namataan ding nakaupo nang mahahabang oras sa
isang batong-buhay, sa pasigan ng isang ilog, na wari'y nanunuod sa
mabagal na daloy ng tubig. Hindi rin nawalan ng isang matandang
mangangaso na nagpapatunay na si Mariang Makiling ay kanyang
namataang naliligo, isang hating-gabi, sa isang liblib na bukal, noong
pati mga kuliglig ay nangahihimlay, noong ang buwan ay naghahari
sa gitna ng katahimikan at walang anumang nakagagambala sa mga
panghalina ng ilang. Sa mga ganyan ding oras at sa gitna ng ganyan ding kalagayan, ay noon niya ipinaririnig ang mahiwaga't malungkot na himig ng kanyang alpa. Ang mga nakakaulinig niyaon
ay nagsisitigil, sapagka't ang himig ay lumalayo at napaparam kapag tinangkang tuntunin ang kanyang pinanggagalingan.
Ang totoong ikinalulugod niyang pamamasyal, ayon sa balibalita ay kung makaraan ang sigwa. Noon ay nakikita siyang naglilibot sa mga parang at bawa't maraanan ay pinanunumbalikan ng buhay, kaayusan, at katahimikan; muling itinutuwid ng mga punung-kahoy ang kanilang hapong puno; muling nagkukulong ang mga ilog sa dati nilang dinadaluyan at napapawi ang mga bakas ng mga nakawalang lakas ng kalikasan.
101