Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/115

This page has been proofread.


kanyang mga inaalagaang hayop, at kung sa mga ito’y may maligaw kung araw ay tiyak na bumabalik pagdadapit-hapon, na para bagang sa kanila’y may umaakay na kamay na hindi nakikita. Ang ganito kaligayang kapalaran ay ibinubuhat ng ilang tao sa ilang uri ng mutya at mga anting-anting; ang ilan naman ay sa pag-aadya. ng isang santo at ang iba pa ay Sa langit na nagtatangkakal at gumagantimpala sa mga anak na mababait. Gayunman, ay may sapat na kahiwagaan ang asal ng binatang ito. Ginugugol niya ang mga sandali ng pamamahinga sa paglilibot sa bundok, manaka-naka’y umuupo sa tabi ng isang batisan, o nagsasalita nang wala namang kausap o sa wari’y nakikinig sa mga balintunang tinig.

Dumating ang panahong nararapat na siyang makipagbunutan kung sino ang sa bawa’t limang katao’y magiging kintos o magiging kawal. Nababatid ng Diyos kung gaano kinatatakutan ng mga binata ang pagiging kintos, at lalo’t higit ng mga ina. Kabataan, tahanan, angkan, mga dakilang damdamin, hiya, at kung minsa’y karangalan, paalam! Ang pito o walong taong pamumuhay sa kuwartel, na ipinagiging hayop at nakapagtuturo ng mga bisyo, na ang malalaswang salitang pabulas ay nagpapakilalang walang kinikilalang batas na umiiral sa hukbo na hangga ngayo’y nasasandatahan pa ng panghagupit, ay pawang nalalahad sa gunita ng binata na tila isang gabing mahaba; na nakalalanta sa lalong malusog at maganda sa kanyang buhay; na ang tao’y natutulog na may mga luha sa mata at nananaginip ng kakila-kilabot na bagay; upang magising na matanda na, walang kabuluhan, masama ang kaasalan, mahilig sa dugo, at malupit. Dahil dito’y may mga nakikitang binatang sadyang pumuputol ng dalawa nilang daliri upang maiwasan ang paglilingkod sa hukbo; ang iba nama’y kusang ipinabubunot ang kanilang ngipin noong panahong kinakailangan pang kagatin ang kartutso; ang iba pa ay namumundok at nanunulisan at hindi kakaunti ang nangagpapatiwakal. Subali’t ang lalong mabuting pangangalaga laban sa kapahamakang ito’y ang pag-aasawa, kaya nga ipinasiya ng mga magulang ng ating binata na pakasal siya sa isang babaing maganda at masipag na ang tinitirhan ay hindi kalayuan sa bundok ding iyon. Ang binata, bagama’t hindi nagpahalatang pinananabikan niya ang gayong panukala, ay sumang-ayon naman, una’y upang maiwasan ang palabunutan tungkol sa pagkakawal, at ikalawa, upang huwag mapabayaan ang kauyang matatandang magulang. Palibhasa’y wala siyang katutultutol ay inihanda sa loob ng madaling panahon ang kasalan, at itinakda ang kaarawan nito.

106