Hindi kailanman binanggit sa akin ng mangangahoy na nagsaysay ng kasaysayang ito kung sino ang bayaning iyon.
Kung ito’y tutoo o hindi ay hindi ko alam. Madalas akong nagpagala-gala sa mga paa ng Makiling, at sa halip na mamuksa ng mga kahabag-habag na kalapating nagsasalaysayan ng kanilang mga pag-ibig sa mataas na sanga ng mga punung-kahoy, kapag nagunita ko si Mariang Makiling, ay sinasambit ko siya. Taimtim akong nakikimatyag sa katahimikan ng kagubatan upang maulinigan ang mga himig ng kanyang mapanglaw na panugtog, at ako’y napapagulantang kung gabi upang manubok na baka sakaling maaninag ko sa malayo ang kanyang kamithi-mithing anyo, na lumulutang sa hangin at bahagyang naliliwanagan ng sinag ng buwang naglalagos sa pagitan ng masinsing sanga, Walang anuman akong nakita; walang-anuman akong naulinig. Nang malaunan ay umakyat ako hanggang sa taluktok ng bundok (at ang napabalitang pag-akyat kong ito’y hininala ng mga prayle na isang panghihimagsik o pagka-pilibustero, bagama’t may sumama sa aming isang opisyal at isang kawal ng Guwardiya Sibil na parang mga turista) at nakakita kami ng mga kaaya-ayang tanawin at nakahahalinang mga pook na karapat-dapat na maging tahanan ng mga diyus-diyusan. Nakakita kami ng mga nagtataasa’t tuwid na mga punung-kahoy na nilulumot na. Sa pagitan ng mga sanga-sanga nito’y may magagandang engkaheng binurdahan ng mga _ bulaklak. Nakakita kami ng mga dapong lalong bihira, na may iba’t ibang hugis, buhat sa mga may dahong malasinulid hanggang sa mga naglalakihang dapo, lahat ng uring mga palmerang nagtataasan at naggagandahan, na nagkakadkad sa kalawakan ng kani-kanilang magsinsukat na mga dahon na bumubuo ng tila isang magandang katipunan ng mga balahibo ng ibon.? Ang lahat nang ito at higit pa riyan ang nakita namin at hinangaan, at madalas kaming mapatigil sa paglakad upang kami’y mapatunganga sa paghanga. Datapuwa’t hindi namin nabanaagan man lamang ni ang malikmatang palasyo ni ang abang dampa ni Mariang Makiling,
7 Marami sa mga nakarating sa mga panahong ito sa kaituktuktuktukan ng bundok Makiling ang nagpapatotoo na hangga ngayo’y may mga nakikita pang mga katangi-tangi’'t di karaniwang dapong naggagandahan, dahil sa maririkit na mga bulaklak at mga dahong may iba't ibang hugis, at ayos. Sinasabing sadyang pambihira ang mga dapong naroroon, dangan na nga lamang at sa katagalan na ng panahon at sa pagdayo roon ng mga mahihiligin sa pagtitipon ng mga tangi, bihira at maririkit na dapo, ay di malayong umunti na’t nandalang ngayon, na di gaya nang kapanahunang binabanggit ni Rizal sa kanyang alamat ng MARIANG MAKILING.
108