Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/120

This page has been proofread.


gang sa medyas na balot ng maliit na paang nakikita sa mabini niyang paghakbang. Sa tuwid ng katawan, sa taas ng ulo at sa kilos at lakad ay napaghahalata ang ibukod na kapintasan, ang malaki niyang kapalaluan.

Bagama’t marami ang nalibang sa sandaling sumunod sa kanya ng tingin, bagama’t natigil na sumandali ang salitaan, nguni’t hindi rin nakalimutan ang tanungan bagay sa kura.

— Napaano kaya si Agaton natin? — ang tanungan ng lahat.

Si Agaton natin ang tawag na palayaw sa balitang pare.

— Hindi man naantay matapus ang kantores a!

— Kung ipagtulakan ang misal.. .

— Padagis na ang dominus pabiskum.. .

— Totoong lintik na naman ang ating si Aton; totoong ginagawa na ang asal!

— Baka kaya nagpupurga!

— Ilan pan araw at tayo’y tutuwaran. na lamang... .

Hindi ko na sasalaysayin ang lahat ng mga kuru-kuro ng mga lalaki at mga aglahiang may kagaspangang labis. Ano nga kaya ang nangyari sa mabunying pare, na mabining kikilos at iikit na tila aral sa salamin, na magaling magpapadipa-dipa at magkiling ng ulo kung magmisa? Ano’t hinarus-haros ang misa at umungol-ungol lamang gayong kung tura’y datihang magaling aawit at magpapakatal ng boses kung nag ooremus? Winalangbahala ang lahat, misa, kantores, pakinabang, oremus at iba pang palabas at nagmamadaling tila di inuupahan. Nagsisimba pa naman ang bunying si Marcela, ang dalagang sapol nang dumating. ay dinadalaw gabi-gabi ng Kura. Napaano nga kaya si P. Agaton at di sinubuan ang tanang gutom sa laman ng Diyos, gayong kung tura’y totoo siyang masiyasat sa pakumpisal at pakinabang?

Samantalang ito ang usapan ng nangagtayo sa pintuan, ang mga kaginoohan nama’y nagtitipon dahil sa pag-akyat sa kumbento at paghalik sa kamay ng Kura alinsunod sa kaugalian. Kung gulo ang isip ng taong bayan sa balang kilos ng Kura at walang pinagtatalunan kundi ang kadahilanan, gulo rin naman ang loop ng mga maginoo, at napapagkilalang tunay sapagka’t bahagya nang mangakakibo, lalong lalo na ang Kapitan, ang bunying si Kapitan Lucas na totoong natitigilan. Kaiba mandin sa lahat ang umagang

111