Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/128

This page has been proofread.

13. — DONYA GERONIMA (ANG ENKANTADA)

Sa pagitan ng San Pedro Makati at Malapad-na-bato, sa baybaying kanan ng ilog Pasig, ay may isang kuweba o yungib na ang pasukang pinto na parang isang ganap na balantok, ay nagpapakilala ng sanay na kamay ng tao at isinaayos ng kalikasan at ng panahon, at napapalamutihan ng isang magandang engkahe ng mga halamang dapo at baging. Ang pinto’y tinapyas at ang kuweba’y napapalayo nang napapalayo sa ilog, o sa lalong tumpak na turing ay nalalayo nang nalalayo sa kanya ang ilog, pagka’t nang taong 1868, ang aming bangkang dumaraan sa tabi niyon ay halos nakikiskis sa kanyang pasukan. Noo’y narinig ko ang sumusunod na alamat tungkol sa kuwebang ito at gayundin sa kaluluwang doo’y nagparaan ng kanyang mga araw:

Isang Arsobispo sa Maynila ang nang panahon ng kanyang kabataa’y nakipag-ibigan sa isang dalagang pinangakuan niyang pakasalan, Ang pagiging mataas na pinuno ng Relihiyon, ay madaling ikinalimot marahil sa kanyang pangako, kaya’t unti-unting pumasok sa isang seminaryo hanggang sa siya’y maging pari; nguni’t hindi nagkagayon ang dalaga: ito’y namalaging matapat at namarati sa paghihintay sa pagbabalik ng malilimuting kasintahan. Lumipas ang mga ilang taon at sa mga pandinig ng kahabag-habag na dalaga’y dumating ang balita na ang kasintahan niya’y humantong sa pagiging Arsobispo ng Maynila. Ang dalaga’y nagbihis ng kasuutang panglalaki, sinuong ang libu-libong kapanganiban sa paglalakbay nang mga panahong iyon, mga paglalakbay na ‘tumagal din naman ng mga anim o pitong buwan, at pagdating sa Maynila’y humarap sa kanyang taksil na kasuyo upang maningil dito ng pautang. Sinasabing ang dalaga’y maayos na tinanggap ng Arsobispo at ito’y humingi ng paumanhin sa abot ng kanyang kaya, at naghandog ng isang tahanang dili iba kundi ang kuwebang itong hangga ngayo’y nakikita pa. Pinaningning ng dilidili ng mga pilipino ang alamat ng sawimpalad na kasintahang dalagang ito sa pagpapalagay na siya’y engkantada; sinasabing siya’y isang babaing napakataba, na sa pagpasok sa kanyang kuweba ay kailangang patagilid, pagka’t ang luwang ng pintuan ay di maaaring pasukan nang paharap. Nguni’t ang lalong nakatatawag ng pansin ng mga pilipine ay ang ugali niyong pagtatapon sa ilog, matapos kumain, ng

119