Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/13

This page has been validated.


MOMO17 (Sa tinig na parang nakakatuya) Ipagtatanggol kita, Sileno, upang huwag nilang masabing ang iyong mga tinuturuan ay nakamumuhi.
MINERVA - (Magtatangkang sumagot, nguni't pipigilin ni Jupiter, sa pamamagitan ng isang hudyat. Sa gayon ay ipakikilala ni Minerva ang kanyang paghamak sa isang ngiting lubhang mapanlibak na nakapagpapangit sa hubog ng kanyang magandang labi.)
(Matapos makasimsim ang mga diyoses ng inuming pangwalang kamatayan ay magsisimula ng pagsasalita, si.)
JUPITER Nagkaroon ng isang panahon, mga darakilang diyoses, na ang mga mapalalong anak ng Lupa ay nagtangkang makaakyat sa Olimpo, upang agawin sa akin ang kaharian sa pamamagitan ng pagpapatung-patong ng mga bundok, at natupad sana ang kanilang nasa, nang walang anumang alinlangan, kung sila'y hindi inihulog sa Tartaro ng inyong mga bisig at ng kakilakilabot kong mga lintik at nabaon ang iba naman sa pusod ng naglalagablab na Etna. Ang ganitong kalugod-lugod na pangyayari ay nais kong ipagdiwang nang buong dingal, na siyang nababagay sa mga walang kamatayan, ngayon, na, ang Lupa, sa kanyang pagpapatuloy sa pag-inog na walang katapusan, ay nanumbalik sa kanyang dating iniikitang pinagmulan. Kaya nga, ako, ang Makapangyarihan sa mga diyoses, ay nagpapasiyang ang pagdiriwang na ito ay magsimula sa isang timpalak-panitik. Ako'y may isang mapalalong tambuli ng mandirigma, isang lira, at isang koronang laurel na pinaginam ang pagkakayari: ang pinakabunganga ng tambuli ay yari sa isang uring metal na si Vulcano lamang ang nakaaalam at may halagang higit sa ginto at pilak; ang lira, gaya ng kay Apolo, ay yari sa ginto at garing, na ang gumawa ay si Vulcano rin; nguni't ang kanyang kuwerdas o bagting, na ginawa ng mga Paraluman ay walang makakaagaw; at ang lalong pinakamabuting laurel na tumutubo sa aking korona, na ginawa ng mga "Gracias", 18 ay yari sa lalong pinakamabuting laurel na tumutubo sa aking mga walang kamatayang halamanan, maningning na higit sa lahat ng korona ng mga Hari sa buong



17 Si Momo ang diyos ng kasayahan, ng katatawanan, ng pagbibiro.

18 Ang mga "Gracias" ay tatlong magkakapatid na babaing magaganda, mapang-akit at mapagbiyaya ng kabutihan.

4