Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/130

This page has been proofread.

14. — ANG PAGONG AT ANG MATSING

Minsa’y nakakita ang pagong at ang matsing ng isang puno ng saging na lulutang-lutang sa mga alon ng isang ilog. Ang punong lito’y malaki at mataba, malalapad ang mga luntiang dahon, at ang mga ugat ay walang kapinsalaang animo’y ganap na kabubunot pa lamang sa lupa ng isang malakas na sigwa. Kinuha nilang dalawa ang puno at inilagay sa pampang.

— Paghatian natin ito — ang sabi ng pagong — at itanim ng bawa’t isa ang kanyang makakaparti.

Pinutol nila ang punong saging sa kalagitnaan, at kinuha agad ng matsing, dahil sa kanyang kalakasan, ang dakong dulo o itaas ng katawan sa pag-asang yao’y lalong madaling tutubo pagka’t mayroon nang mga dahon. Ang pagong, dahil sa kahinaan, ay nagkasya na lamang sa pinakapuno o dakong ibaba na para nang patay bagama’t may sakwang tinutubuan ng mga ugat. Pagkalipas ng mga ilang araw ay muli silang nagkatagpo,

— Magandang araw po, ginoong matsing — bati ng pagong — Ano ang nangyari sa inyong puno ng saging?

— Ay! — ang tugon ng matsing, — malaon nang namatay! At ang sa inyo, binibining pagong?

— Ang sa akin? mabuti po, talagang mabuti! May mga dahon na’t may bunga pa. Nguni’t hindi ko matiba sapagka’t hindi ako makaakyat. i

— Huwag kayong mabahala, sa gayon, — ang pakli ng mapag-imbot na matsing; — ako ang aakyat; titibain ko para sa inyo.

— Ipinagpapauna ko ang pasasalamat, ginoong matsing — sambot ng pagong na kumikilala ng utang na loob.

Tinungo ng dalawa ang tahanan ng pagong.

Hindi pa halos napagsisiyang mabuti ng matsing ang magandang buwig ng saging, ang makintab-kintab na kulay dilaw sa pagitan ng malalapad na luntiang dahon, ay sinalakay nang akyatin agad sa isang kaliksihang hindi madalumat at sinimulang kaning namumutsi ang magkabilang pisngi samantalang tumatawa pang nagkakangiwi ngiwi ang bibig.

121