Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/131

This page has been proofread.

— Nguni’t bigyan naman ninyo ako ng ilan, — pakiusap ng pagong nang makitang hindi na siya inaalaala munti man ng matsing,

— Ni balat ay hindi kita bibigyan — tugon ng matsing na nagkakanlilintog na ang dalawang pisngi.

Nag-isip na maghiganti ang pagong. Tinungo ang ilog, namulot ng mga ilang (walang nakasulat na anuman sa pinagkunang orihinal nito), at itinusok sa paligid-ligid ng punung saging at pagkatapos ay nagtago sa ilalim ng isang bao. Nang manaog ang matsing ay nasugatan nang gayon na lamang at nagsimulang dumugo ang mga sugat.

Hinanap niya ang pagong, at nahirapan siya sa paghanap bago nakita.

— Ikaw, hamak na nilalang, nakita rin kita rito, sa wakas — anang matsing sa pagong — Pagbabayaran mong lahat ang ginawa mo; dapat kang mamatay. Subali’t dahil sa aking pagkamaawain, ay ipauubaya ko sa iyo ang pamimili sa dalawang paraan ng kamatayan mo: ano ang ibig mo? Bayuhin kita’t durugin sa lusong o itapon kita sa tubig?

— Sa lusong, durugin mo na ako sa lusong! — pahinagpis na samo ng pagong — takot na takot akong malunod!

— Aha! — anang matsing na natatawa pa — samakatuwid natatakot kang malunod? Kung gayon, ay lulunurin kita,

At dinala ng matsing ang pagong sa tabi ng ilog at doo’y buong lakas na nihagis siya. Datapuwa’t lumitaw agad ang pagong na nanunudyo pa sa nadaya at napamulagat na matsing.









122