Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/132

This page has been proofread.

15. — MGA GUNITA NG ISANG MANOK

Ang kauna-unahang nakita ko’y hindi ang liwanag kundi ang gabi sa silong ng isang bahay, Ang sinilangan ko’y isang kaing na kawayan, puno ng dayami, na kinaroroonan din ng maraming sisiw na gaya ko, sa pagitan ng mga balat ng itlog na pinagpisaan. Sa gitna namin ay naroroon ang aming ina, na ang init ay nakapangangalaga nang bahagya sa amin laban sa lamig, sapagka’t ang maiikling balahibo namin ay halos hindi makapagsanggalang sa amin sa karahasan ng panahon. Masayang-masaya ako, datapuwa’t hindi ko nababatid kung bakit, marahil din naman ay dahil sa pagkakatagpo ng gayon karaming kapatid na nakakalaro o sa pagkakaramdam ng mainit-init na singaw sa pagkakadaiti ng aming ina. Ang nangyari’y napakasaya ko at pumipiyok-piyok akong paminsan-minsan na taglay ang malabis na kaligayahan; napapalingon tuloy sa akin ang aking ina upang masdan akong parang namamangha sa kaligayahang nakalalasing sa akin. Sinu- bok kong gamitin ang aking maliliit na mga paa, hinakbang-hakhakbangan ang ibang sisiw at nakipag-usap sa kanila, at pumipiyok ako na parang nagbibigay sa kanila ng maligayang bati; labing-isa kaming lahat, matataba, bilugan ang katawan, may maliliit na tuka at ang ulo’y may kalakhan; pumipiyok kami at ang lahat ay inaalihan ng isang katuwaan at kasiyahang sariling-sarili ng mga manok.

— Mga bata! anang aming ina, huwag kayong mag-ingay na lubha. Mahina lamang kung kayo’y pipiyok sapagka’t nagkakatulog sila sa itaas. Tumigil kami, bagaman hindi namin nalalaman kung sinu-sino ang mga tinutukoy na nagkakatulog pa raw.

Namamangha kayo, marahil, na pagkalabas na pagkalabas namin sa itlog ay marunong na kaming magsalita at nagkakaunawaan na kami. Kayo’y tao at may katuwiran nga kayong mag-alinlangan, sapagka’t ang tao’y ipinanganganak nang kulang sa lahat ng bagay at mangmang, palibhasa’y tumatanggap sila ng lahat ng pagkakalinga ng kanilang mga magulang at iba pang kamag-anak at nabubuhay sila nang mahabang panahon; dahil dito’y may mahabang panahon silang ikatututo ng isang wika at ng iba pang gawa at gawi. Neguni’t kaming mga sisiw, kaming wala kundi iisang ina at kaming mga anak ay napakarami! isang inang napakadukha at naghihikahos, na gaya naming walang sukat mapagdagisunan. Ano ang mangyayari sa amin kung sa maikling panahon ng buhay na ipinagkaloob sa amin ng tao ay kailangan pa naming mag-aral magsalita at bawa’t kataga’y isa-isa pang ituturo sa amin? Na-

123