Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/134

This page has been proofread.

16. — ISANG PAGDALAW NI HESUS SA PILIPINAS

Nalimot nang lubos ng mga naninirahan sa lupa, marami nang dantaong tinalikdan ng Diyos Ama ang mga bagay-bagay sa daigdig na ito. Ang pamamahala sa lupa’y ipinaubaya niya sa mga santo at iba pang kilalang diyus-diyusang sinasamba ng mga tao dahil sa kabaliwan nila. Pinagkakaabalahan niya ang ibang mga araw at buntala (planeta), na lalo pang kaaya-aya’t malalaki kaysa atin, sapagka’t-sa mga yao’y hinahandugan ng isang pagsambang wagas at walang dingal ang Walang-hanggang Lumalang. Tuwing tumatama ang kanyang makapangyarihang paningin sa ating maliit na bolang nababalot ng ulap na umiikit sa walang katapusang alangaang, ang kanyang tingi’y batbat ng sama ng loob na inilalayo roon na walang iniwan sa isang amang nagagalit sa pagkakamalas sa isang anak na walang utang na loob at namumuhay nang di-mabuti. Sa gayon, ang lupang ipinaubaya sa mga diyus-diyusan ay nabatbat ng karalitaan at ng sakit; ang karimlan ay bumaba sa ibabaw niya at sa kanyang sinapupunan ay umaangai ang nagngangalit na simbuyong anaki’y mga ahas na nakulong sa kanilang mga lungga, At ang mga pananaghoy ng mga sawimpalad at mga hinaing ng mga napariwara’y pumupuno sa kalawakan, naglalagos sa mga ulap at pumapailanlang hanggang sa luklukan ng Nakapangyayari sa lahat.

Sa wakas ay nahabag ang Walang Hanggan, at isang araw, matapos ilagay ang kanyang salamin sa mata, ay nagwika sa sarili: .

— Tingnan, tingnan natin kung ano ang nangyayari sa mga taong tunggak na naninirahan sa parang suha nilang kabilugan.

Tumingin ang Diyos sa dakong lupa at niloob ng pagkakataong ang kanyang tingin ay tumama sa isang lipon ng mga pulong ang karamiha’y mga bulubundukin, naliligiran ng mga sinisigwang dagat at niyayanig ng malakas na lindol na anaki’y isang maysakit na nakakain ng asoge. At nakita ng Diyos ang mga lalaking may iba’t ibang lahi at kulay, ang ilan ay nakasaya, ang iba’y nakapantalon, may mga ulong inahitan sa tuktok at may naiwang buhok sa paligid ng dakong ibaba ng ulo, samantalang ang iba’y pabaligtad naman, na anupa’t inahitan ang dakong ibaba ng ulo’t sa gitna’y may isang tungkos ng buhok na mahaba, gaya ng sa babae. At ang isa’t isa’y nagsisiindak at nagsasabi ng maraming kahangalang ipinatutungkol sa Kanya, sa Amang Walang Hanggan; ang ilan pa’y gumagawa ng lalong maraming pag-indak at lalo pang maraming kahangalan sa paniniwalang ang gayo’y makalulugod sa

125