— Oo, anak ko, sapagka’t hanggang sa akin ay nakarating ang mga tinig at ninanais kong bigyan ng wakas ang gayon kalaking kasaliwaang-palad,
— Kung ako, ay dudurugin ko ang lahat ng pulo. . . at si Gabriel ay nagpamalas ng isang anyong nagpapakilalang parang may dinudurog sa kanyang mga daliri.
— Ganito, Amang Walang Hanggan, ganito, at ako’y gagawa ng mga bagong pulong may mga bagong naninirahan. Ganito, ganito nga!
‘— Aba, aba, — anang matandang Diyos sa isang makaamang tinig, — napagkikilalang ikaw ay bata at hindi ka pa nahihirating makakita ng mga kadiyabluhan. Marahil ay masakit pa ang iyong loob dahil sa inalisan ka ng iyong templo at ng liwasan upang maibigay sa isang . . . ano ang tawag mo sa kanya?
— Prayle!
— lIyan nga, prayle! Anong pangalang napakakakatwa, hindi ko natatandaang lumikha ako ng ganyang bagay! Datapuwa’t hindi nararapat maging mapaghiganti; tularan mo ako. Alalahanin mong ako’y tinatawag na Diyos ng mga paghihiganti, gayong ako ay puno ng awa! Ako’y siyang nagkaloob sa kanila ng lahat, at ako’y wala roon kahit isang templo; binigyan ko ng kalayaan ang lahat, at ang aking ngala’y pinagmamalabisan upang sirain ang aking nilikha. At gayon man, ako’y hindi lamang hindi naghihiganti kundi nagnanasa pa rin ngayon na sila’y paligayahin.
— Mabuti po, kung gayon — isinagot ni Gabriel — kung ang Inyong Maharlikang Kadiyusan ay ayaw sumunod sa@ aking palagay, ay humingi Kayo sa ibang nag-aankin ng malaking kabantugan sa Pilipinas. Haya’t nagdaraan si San Andres, ang pintakasi ng Maynila, na ang kapistaha’y ipinagdiriwang taun-taon nang buong dingal at gara, may mga watawat, mga prusisyon, mga tambol, mga tagahatol, mga alguwasil mga nakabalatkayo, mga kabayong patpatin, at iba pang matatandang bagay-bagay!
At ang arkanghel, pagkatapos na makapagpugay, ay lumayo.
— Hoy, Andres, ano ang nalalaman mo hinggil sa Pilipinas? — Ang tanong ng Diyos Ama sa isang matandang nagdaraan na may daladalang isang kurus nang umugong ang ngalan ng Pilipinas.
131