Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/143

This page has been proofread.

Si Hesus ay nanatiling lalong mabagsik at-lalo’t higit na mapanglaw; kaya’t bagaman marami ang nakatingin sa kanya, ay walang nakapangahas magsalita. Sa wakas, isang lalong nakatatanda, may bikas insik, may bigote’t balbas na makapal, kulay kayumanggi at mga matang singkit, pagkatapos ng maraming pasikut-sikot na anyo at pagyukod, ay sumagot, sa isang tinig na mapagpahiwatig at malumanay:

— Ang makatuwirang si Hesus ay nagsabi ng katotohanan; ang relihiyon niya’y hindi sinusunod sa Pilipinas, at halos mapangangahasan kong sabihing ang kanyang aral ay hindi nakikilala roon. Nguni’t ipahintulot sa kanyang di-karapat-dapat na alagad na si Kungsten na sabihin sa kanyang bagama’t totoong ang mga kautusan niyang makadiyos ay hindi umiiral doon, sa kabilang dako nama’y pinagmamalabisan ang ngalan niya, at sa ngalan niya’y ginagawa ang mga pagkakasala’t mga kasamaang hindi pa naririnig. Ito’y nalalaman ko sa dahilang ang bansa ko’y malapit sa Pilipinas, at maraming mga nagsisisamba sa mga anito sa amin ang nagkikristiyano doon dahil sa mga hangaring humigit-kumulang ay kasumpa-sumpa, humigit-kumulang ay mahalay!

Ang mga pangungusap ni Kungsten ay nag“aangkin ng malaking bigat sa mga kapulungan sa langit, kaya’t si Hesus ay walang pagkagalit na sumagot ng ganito:

— Sumasang-ayon ako kay Kungsten, nguni’t hindi ako maaaring panagutin sa mga pagmamalabis na ginawa sa aking ngalan ng ilang mapagkunwari, lahi ng mga ahas, mga ulupong, mga libingang pinintahan ng puti. Kung ang ngalan ng Ama’y pinagmamalabisan, ano ang hindi gagawin sa aking ngalan? Ang aral ko’y nasusulat, at ‘bagama’t binago ay naroroo’t nagniningning, tumututol. Pinagmamalabisan ang aking ngalan sa dahilang ang mga tao’y nakalimot na sa akin, sa dahilang hindi nila nagugunitang akong nangaral ng pag-ibig at pagmamahalan, ay hindi ko maamin ang anumang paghahari-harian, ang anumang pang-aapi. Tinuruan ang kanilang mga mata? Ano ang kasalanan ko kung may mga bulag at hangal sa lupa? Sa anong kalagayang katawa-tawa ibig nila akong pababain kapag sa paglimot nila sa aking aral, sa pinagbabatayang kagandahang asal ng aking gawa sa pinakadiwa ng aking pangangaral, sila’y nagpapatirapa ngayon sa pagsamba sa

134