Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/155

This page has been proofread.

Halos di makasunod si San Pedro sa kanyang Guro.

— Panginoon — anya — tayo’y nalalapit na . . . nguni’t ano ang nangyayatri sa inyo, Guro, at ang inyong noo’y puno ng dugo? Tumatangis kayo at ang inyong mga luha’y dugo ... Masasabing kayo’y muling nasa Hetsemani.

Malungkot na umiling si Hesus.

— Harinawang wala akong ibang damdamin kundi ang mga hinagpis ng kamatayan — ang kanyang tugon. — Makalilibo pang mamabutihin ko ang kamatayan, ang libu-libong Hetsemani kaysa pasakit na nagpapahirap sa akin ngayon. Kapag ang isa’y namamatay alang-alang sa pag-ibig o sa pananalig na sa kanyang pagkamatay ay makagagawa ng isang kabutihan, ang kamatayang iya’y nagiging isang kaligayahan. Datapuwa’t kapag kasunod ng kamatayan, kasunod ng mga paghihirap ay dumarating ang pagkabigo ... ay! na hindi ko magawang ako’y mauwi ngayon sa wala, magkaluray-luray ang aking sarili, mawasak ang aking budhi upang huwag nang makita ang mapanirang bunga ng aking ginawa. Naparito ako sa lupa na parang liwanag, at kinasangkapan ako ng tao upang yao’y balutin ng karimlan; Naparito ako upang aliwin ang mga dukha, at ang aking relihiyo’y may mga biyaya’t pagtingin lamang sa mayayaman; Naparito ako upang iguho ang pamahiin at sa aking ngalan ay namulaklak ang pamahiin, namamayaning makapangyarihan at ganap; Naparito ako upang tumubos sa mga bayan at sa aking ngalan ay sinupil at inatasan ang mga lalawigan, kaharian, lupalop, at ang mga lipi’y inalipin at napawi. Naparito ako upang ipangaral ang pag-ibig, at sa aking ngalan, dahil sa walang kabuluhang pagtatangi-tangi, dahil sa pagdudunung-dunungan ng mga tamad, ang mga tao’y naglalaban-laban at pinuno ang lupa ng kamatayan at pagkakawasak, at pinapaging banal ang katampalasanan sa pamamagitan ng kabantugan ng kadiyusan! Kakila-kilabot, katawa-tawa, kamaliang walang kasinglaki, kagulatgulat na paghamak!

At tumangis si Hesus nang buong pait at kadalamhatian.

— Kung matuwid — ang kanyang idinugtong — kung katungkulan kong tubusing muli ang sangkatauhan sa banging kinahulugan niya, at ako’y magtiis ng makalilibong kamatayang lalo pang

146