Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/156

This page has been proofread.


malupit kaysa naging kamatayan ko, hindi ako dapat matakot ... Lumayo ka sindak; sukat na ang pagkatakot; ngayo’y hindi ang pag-ibig lamang, kundi ang pag-ibig, ang tungkulin at ang katuwiran ang siyang magbubunsod sa akin sa pagpapakasakit . . . !

— Ano po, Panginoon, iniisip ba ninyong papakong muli sa kurus? — ang tanong ni Pedrong nanginginig.

Si Hesus, na walang hinaharap kundi ang kanyang pagninilay-nilay ay hindi sumagot. Malapit na sila sa Pilipinas, nababanaagan na nila ang matataas na bundok na nakaputong sa mga pulong namumukod sa ibabaw ng kumikinang na tubig, na kumikislap sa tama ng liwanag ng mga bituin; sa malayo’y natatanaw nila ang mamumula-mulang palong ng isang bulkan na parang isang bahid ng dugo sa ibabaw ng sawimpalad na lupang yaon. Sa dakong Silanganan ay nagsisimula nang sumungaw ang banaag na tagapagpahiwatig ng bukang-liwayway.

Si San Pedro, na nababalisa sa hawig na tinutungo ng mga pasiya ng kanyang guro, ay nasisindak sa pagpasok sa Pilipinas, kaya’t sinamantala ang pagkakataong dumaraan sila sa isang pulong hindi nauukol sa kapuluan, at nagsabi kay Hesus:

— Guro, tila nararapat na tumigil muna tayo sa pulong ito upang makapaghanda at tumalaga sa mapanganib na paglalakbay na ito. Kinakailangang malaman muna natin ang kalagayan ng labangang iyan, at gaya nang kayo’y mag-ayuno ng apatnapung araw at apatnapung gabi bago makiharap sa mga hudiyo, ay magparaan muna tayo rito ng tatlong buwan sa dahilang para sa mga pilipino, ang lahat ng pag-iingat ay kakaunti.

Binalak ni San Pedrong libangin ang kanyang guro o maipagpaliban man lamang kaya ang pagpasok sa Pilipinas. Si Hesus, na ang ‘buong pinagkakaabalaha’y ang kanyang pagninilay-nilay ay nagpabayang siya’y akayin ni San Pedro, na nagsamantala sa pagkakataong ito upang dalhin ang kanyang guro sa nasabing pulo at sila’y bumaba sa isang ilang na pook na di-lubhang malayo sa kabayanan. Gumuguhit na ang bukang liwayway at ang mga bagay-bagay ay nagsisimula nang mapagmalas-malas, mapuputi, parisukat na maraming durungawang parang mga bahay-kalanating pinagbai-baitang sa paa ng bundok na siyang bumubuo ng pulo.

147