Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/157

This page has been proofread.

Yamang kinakailangang hubdin nila ang mga kasuutang makalangit para sa paglalakbay na isasagawa, ginamit ni Hesus ang kanyang talino, upang ang kanyang balabal ay magawang isang ternong matingkad na bughaw, na may wastong tabas bagama’t di naman sunod sa mga kautusan ng moda. Inahit ang kanyang balbas, pinutol ang buhok na mahaba, at upang magkaroon ng lalong pagkahawig pilipino, ay inihukot nang bahagya ang katawan na parang isang taong nahirati na sa pagsunod at pamamanginoon, Kung siya’y makikita sa gayong pagbabagong anyo ay masisinungalingan, kahit na ang di-pagkakamali ng papa, at ang pinakamabuting maaakala sa kanya’y isang pilipinong buhat sa isang mabuting angkan na naglalakbay upang magliwaliw.

Sa ganang kanya naman, inakala ni San Pedro na sa dahilang narinig niya sa langit na ang mga insik ay siyang lalong mabuti ang kabuhayan sa Pilipinas, ay inakala niyang lalong mabuti at kapaki-pakinabang na siya’y tumulad sa insik, at gayon nga ang hiniling niya sa Guro; nguni’t naging napakasaliwa ang kanyang palad, sa dahilang siya’y upaw at mangilangilan lamang ang natitirang buhok na hindi matitirintas, kaya’t siya’y nagmukhang insik na panot. Nag-iwan ng ilang buhok upang gawing bigote; ang kanyang balabal ay ginawang salawal na maluwang at ang kanyang balabal ay ginawang barong insik; sa ganito, ang asta niya’y naging lubhang kakatuwa, na kung di sa malabis na kapormalan ni Hesus ay napahalakhak na sana.

Pumasok sila sa lungsod na nagsisimula nang sumigla. Ang mga bagay ay nagigising na at ang mga lansangan ay napupuno Na ng mga utusan, manggagawa, mamamangka, magdaragat na ang karamiha’y mga insik. Nabatid ni San Pedro, na dahil sa kanyang kasuutan at tirintas ay nagkaroon ng biyayang makapagsalita ng insik, na sila’y nasa isang daungang insik na tinatawag na Biktoriya dahil sa ito’y pinamamahalaan ng mga kampon ng reyna ng Inglatera.

— Masama ang ating binabaan — ani San Pedro — tayo’y nasa bansa ng mga insik, at bukod dito’y pinamamahalaan ng mga protestante.

At idinugtong pa sa kanyang sarili — Iniwasan namin ang ulan at kami’y lumagpak sa dagat.

148