Lumapit si San Pedro sa kanyang Guro upang ipagbigay alam ang kanyang mga pag-aalinlangan, nguni’t ito’y nakita niyang nagninilay-nilay nang napakalalim.
Natatanaw ni Hesus, buhat sa pook na kanyang kinaroroonan ang patyo ng isang malaking gusaling nasa malayo. Doo’y maraming taong nakabihis nang magkakaparis at ang kanilang ginagawa’y angatin at ilagpak sa lupa ang ilang bolang tila may kabigatan. Mayroong isang wari’y namamatnugot sa gayong gawain.
— Yao’y siyang bilangguan — ang wika sa ingles ng isang taong pinagtanungan ni Hesus. — Doon dinadala ang mga naparusahan, ang mga magnanakaw, mga manghuhuwad, mga mandarahas, mga mamamatay tao. Yaong nakita ninyo’y isa sa mga gawaing ipinarusa sa kanila; may ilan pang ibang gawain, gaya ng gawin ang himaymay ng abaka, paikutin ang isang gulong, at iba pa.
— At ang mga sawimpalad na iyo’y mga di-binyagan bang lahat?
— Hindi, sa kanila’y may mga kristiyano, mayroon ding mga ingles, sapagka’t dito’y walang pagtatangi-tanging ginagawa sa mga salarin: doo’y may mga taong nagsipaghawak ng matataas na tungkulin sa mga bayang sakop natin.
— At ang inyong karangalan — ang tanong ni San Pedro — hindi ba kayo marunong mag-ingat ng inyong karangalan, gaya ng mga kastila sa Pilipinas?
— Ang aming karangalan ay wala sa aming pagmumukha kundi nasa aming tuntunin ng mabuting-asal — ang itinugon ng insik na hindi man lamang minarapat na tumingin kay San Pedrong nakabihis insik,
Sumang-ayon si San Pedro na sa anu’t anuma’y maaaring magkaroon ng katuwiran ang ingles sa lalong pagpapahalaga sa karangalang nababatay sa kabutihang-asal kaysa kabunyiang nababatay sa lahi, datapuwa’t sinabi niyang lubhang ipinagmamayabang at lubhang ipinangangalandakan ng ingles ang kanyang pamamaraan, at nararapat na iyo’y makilala nang lalong mabuti ng mga pilipino sa dahilang, una, ang mga ito’y mga katoliko at ikalawa, dahilang doo’y nagtatamasa siya ng sapat na kabunyian.
151