Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/161

This page has been proofread.

Nagpatuloy sila sa kanilang paglalakad at pagmamatyag at napansin ni San Pedro, sa malaki niyang pagtataka, na bagama't sila’y nasa bansa ng mga di-binyagan, ay maaaring makapaglakad nang walang panganib; walang mga karwaheng sumasagasa sa mga naglalakad; ang mga ingles ay hindi namamaslang sa mga insik; ang mga pulis ay hindi nagnanakaw sa mga maralita ni gumagambala sa mga ito, at kung may sinumang pagkayaman-yaman at pinagpipitaganan, na nagmalabis sa isang aba, siya’y dinadala sa mga hukuman, doo’y hinahatulan sa loob ng ilang sandali’t walang maraming kasulatan, at hindi pinagugugol ang nagsusumbong, hindi siya pinagyayao’t dito sa iba’t ibang tanggapan, hindi pinag-aaksaya ng panahon upang

_ang kalabasan ay bukod pa sa paluin ay maging biktima pa ng mga

kung anu-anong takda ng pangasiwaan. Kaya’t si San Pedro, na tinatakasan na ng kanyang pangamba, ay sumasang-ayon na sa pamamahala sa pulong iyon, at nagnanasang manirahan nang patuluyan doon kaysa paroon sa Pilipinas, at dahil dito’y maamo niyang iminungkahi kay Hesus na Panginoon natin.

— Guro, hindi ba lalong mabuting tayo’y manuluyan sa isang bahay dito upang kayo’y makapagparaan ng apatnapung araw na pag-aayuno?

— Bakit mag-aayuno? — ang itinugon ni Hesus na nakahula sa binabalak ni Pedro. — Kinakailangan ko ang lahat ng lakas ng aking katawan at kaluluwa, kinakailangan kong ang aking buong pagkatao’y mag-angkin ng ganap na kaayusan upang makipagbaka sa mga kahirapan ng ating layunin... Bakit mag-aayuno? Ang ‘aking katawan, na ipinaglihi nang walang bahid na kasalanan, ay hindi kaaway ng aking kaluluwa upang siya’y aking panlupaypayin.

Naunawaan ni San Pedro ang pagkamakatuwiran ng tugon.

— Gayon pa man, Guro — ang pakli niya — hindi kalabisang tayo’y tumigil muna dito upang mapag¢aralan ang kalagayan ng bansang dadalawin natin. Maaari tayong makituloy sa mga dominiko, na marami ang bahay, sapagka’t sang-ayon sa aking nakikita, ang parang dito’y hindi maaaring tirhan.

Sumang-ayon si Hesus sa panukala ni San Pedro, at pagkatapos na maipagtanong kung saan nakatira ang mga dominiko, ay tumungo sila roon.

152