Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/162

This page has been proofread.

— Marikit na gusali! — ang bulalas ni San Pedro, nang makita niya ang kumbento o palasyong ginagamit na pinakatanggapan ng dalawang prayle — Natitiyak ko, Guro, na tayo’y patutuluyin dito nang walang bayad, at tayo’y pakikitunguhang parang mga kapatid.

Sa kasawiampalad ay dumating sila sa isang napakasamang pagkakataon. Ang prayleng prokurador ay natalo nang araw na iyon ng isang pilipino sa isang usaping ang naging sanhi’y isang maliit na suliranin tungkol sa sahod na ayaw bayaran ng dominiko; inakala nito na mapananaig ang kanyang nais kung kakasangkapanin niya ang kayamanan ng kanyang orden, at ang usapi’y nakarating sa matataas na huhuman ng bansa bagay na nagbigay ng malaking alingasngas. Datapuwa’t hindi natakot ang mga hukom na ingles, at naggawad sila ng katarungan; at ang dakilang prayle’y hinatulang magbayad ng utang niya, ayon sa batas at sa karapatan.

Dahil dito’y may sumpong siya nang araw na iyon, at nang ipagbigay-alam sa kanya ng utusan ang mga dalaw at ang layunin ng mga ito, sa pag-aakalang ang mga dalaw ay mga pilipino, ay ipinagtabuyan sila nang buong paghamak, at sinabing ang tanggapan ng Prokurador ay hindi natatalaga para sa mga pulubi, at kung sila’y walang maibabayad sa isang bahay ay manatili sila sa lansangan. Hindi maparam kay San Pedro ang kanyang pagtataka; hindi mapag-aalinlanganang lahat ay lumalabas nang pabaligtad; inakala niyang masama ang lungsod at ito’y natagpuan niyang malaya; inakala niyang magandang loob sa pagtanggap sa nanunuluyan ang mga prayle at ito’y natagpuan niyang malulupit at maramot. Si Hesus naman ay nalulungkot lamang at lalong malalim ang pagbubulay-bulay.

Silang dalawa’y nagtungo sa isang otel at doon sila nanuluyan, at habang naghihintay ng isang sasakyang-dagat na patungo sa Pilipinas, sa halip na magparaan ng mga araw sa isang ilang o sa pag-iisa, at sa dahilang nararapat silang mamuhay sa gitna ng mga buhay at ng mga baya’t lungsod, ang hinarap nila’y ang pag-aaral ng mga kaugalian sa lupa, at naglakad sila araw-araw sa mga lansangan at kumuha ng mga mahahalagang tala:

Nagkataong sa lungsod ng Biktoriya, ay napag-alamang may isang dayuhang mahiwaga, kaipala’y isang anak ng mga raha na naglalakbay nang di-napakikilala, na naroroon sa kabayanan at gumagawa ng isang pag-aaral at kumukuha ng mga tala, upang pagkatapos ay tumungo sa Kapuluang Pilipinas at pag-aralan ang

153