Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/164

This page has been proofread.


mong gumawa ng mga kababalaghan, ay maaari mong matamong mulj ang iyong kaharian. Maykapal, Maykapal, Diyos na walang kaya’t walang kabuluhan, patigilin mo ang aking pagtawa, isauli mo sa akin ang pagtangis!

— Masama ang aking pagkasimula — ani San Pedro.

Sa dahilang ang karamihan ng mga bahay ay pag-aari ng mga dominiko, inakala nilang walang kabuluhang pagpapagod ang paghanap ng matitirhan at ipinasiya nilang sumakay na patungong Pilipinas,

Pumaroon sila sa tabing-dagat at doo’y napag-alaman nilang may isang sasakyang-dagat na tutulak sa loob ng ilang oras. Datapuwa’t hiningan sila ng pasaporte ng Kapitan.

— Bakit mo kami hinihingan ng pasaporte? — ani Skunuk (Schuch)3 — ako’y isang Pilipino, at upang makabalik sa Pilipinas ay nangangailangan pa ba ako ng pasaporte? Kailan pa naging kailangang humingi ng kapahintulutan ang isang tao upang makapasok sa sarili niyang bahay?

Sinabi ng Kapitan na yao’y ipinag-uutos ng pamahalaan at kailangang humingi ng pasaporte ang ating mga manlalakbay: ang naging halaga nito kay Skunuk ay tatlong piso’t isang salapi, at kay San Pedro, sa dahilang ito’y insik, ay labing-anim na piso. Hindi magkasiya sa galit si San Pedro.

— Guro, hindi ganito ang daigdig noong kapanahunan natin! Noon ay lalong maykalayaan, higit na pagkakapatiran sa mga bayan-bayan! Hindi ba sinabi ninyong silang lahat ay pawang anak ng iyong ama?

— Siyang tunay, Pedro, sinabi ko nga ang gayon nang paulit-ulit, at maanong hindi ko sinabi iyon kailanman! Yao’y inuulit ngayon ng ilan, nguni’t ang lalong mabuti’y itangi ang iba.

— Masama ang simula ng ating paglalakbay, Guro, masamang pasimula! — ang bulong ni San Pedro habang sumasakay sa bapor.

Isang magandang umaga nang sila’y pumasok sa look ng Maynila.

3 Ito ang balatkayong pangalang ginamit ni Hesus nang siya’y naglalakbay nang hindi napakikilala.

155