Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/17

This page has been proofread.
MINERVA (Parang hindi siya naririnig. Itataas ang kanyang salakot na bakal at ilalantad ang kanyang kagalang-galang at malinis na noo, himpilan ng talino, at sa tinig na mataginting at malinaw ay magsasaad): Ipinakikiusap ko sa iyong pakinggan mo ako, makapangyarihang anak ni Saturno, na gumigimbal sa buong Olimpo pag ikinunot ang iyong noong kakila-kilabot; at kayo mahihinaho't kagalang-galang na mga diyoses, na nangungulo't namamahala sa mga tao, huwag ninyong mamasamain ang aking mga salita, na sa tuwi-tuwina'y ipina-iilalim sa kalooban ng nagbigay. Kung sakaling ang aking mga salita, na sa tuwi-tuwina'y ipinaiilalim sa kalooban ng nagbigay, kung sakaling ang aking mga katuwiran, ay walang halaga sa inyong mga mata ay mabutihin ninyong salungatin at timbangin sa timbangan ng katarungan. Mayroon sa matandang HESPERIA, na nasa kabila pa ng mga kabundukan ng Pirineos, na isang lalaking ang kanyang kabantugan ay naglagos sa himpapawid na namamagitan sa mundo ng mga taong may kamatayan at ng Olimpo, mabilis na katulad ng isang kidlat. Nang una, siya'y isang di-kilala at nasa-karimlan, nguni't naging laruan ng inggit at ng lalong imbing mga simbuyo ng kalooban, lugayak sa kasawiang-palad na siyang malungkot na hanggahan ng mga dakilang talino. Hindi maihambing sa ibang bagay, kundi tila baga hinango ng daigdig sa Tartaro ang lahat ng katiisan at mga pahirap upang ibunton sa taong itong sawimpalad. Nguni't sa kabila ng gayon karaming pagtitiis at kawalang matuwid ay hindi inibig na ibalik sa kanyang kapuwa-tao ang buong sakit na sa kanila'y natanggap, kundi dahil na rin sa kanyang pagkamaawain at higit na kalakhan upang maghiganti, ay sinikap niyang maiwasto at maturuan sila ng mabuting kaasalan sa pagluluwal sa liwanag ng kanyang walang kamatayang akda, na pinamagatang DON QUIJOTE. Ang tinutukoy ko'y si CERVANTES, iyang anak ng Espanya, na sa panahong darating ay siya niyang maipagmamalaki at ngayon ay namamatay sa gitna ng kasindak-sindak na karalitaan. Ang Quijote, ang kanyang kahanga-hangang anak, ay siyang pamilantik na nagpaparusa at nagwawasto ng mga kamalian nang hindi nagbububo ng dugo, nguni't nakapag-uudyok sa pagtawa; siyang nektar na kinatataguan ng mabisang katangian ng mabait na gamot; siyang kamay na umaalo at umaakay nang buong tigas sa mga kayayatan ng tao. Kung ang itatanong ninyo sa akin ay anu-ano ang mga salabid na kanyang naigtaran, ay mangyaring pakinggan ninyo ako sandali at inyong

8