Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/171

This page has been proofread.

17. SI MALIGAYA AT SI MARIA SINAG-TALA

I

Noon ay buwan ng Setyembre ng taong 1635, animnapu't
apat na taon buhat nang dumating ang mga Kastila sa Maynila, at
sandaa't labing-apat na taon buhat nang gawin ang mga kauna-
unahang kasunduan ng pakikipagkaibigan sa mga naninirahan sa
Kapuluang Pilipinas.

Itinataguyod noon ng Espanya ang walang puknut na pakiki-
digma laban sa mga Olandes at sa mga naninirahan sa Timog,1 at
sa mga digmaang ito'y mga Pilipino ang nagpapasan ng bahaging
lalong mabigat at mahirap. Sa loob ay sinusubaybayan ng pama-
halaan ang mga insik, at madalas na sinusugpo, sa pamamagitan
ng kamay na bakal, bagaman lagi nang kaakibat ng kasanayan, ang
pahina nang pahinang pagsisikap ng ilang lalawigan upang ibag-
sak ang pamatok. Ang katolisismo, sa kabila ng pagsusumakit ng
mga misyonero, ay hindi pa namamayani sa lahat ng mga lalawi-
gang sumuko sa bisa ng diplomasiya ng baril o ng mga pangaral
at mga pangako. Maraming indiyo, mga buo-buong mag-aanak, mga
bayan at hanggang malalawak na mga pook ang nananatiling tapat
pa sa lumipas, at naglalagay ng isang matibay na hadlang sa mga
prayle, na sa pamamagitan ng kababaang loob at pagsasabog ng mga
alay at pangako ng langit at ng kawalang-hanggan, ay nangagsisi-
pangaral at nangagtuturo, at kadalasa'y sinasamahan sila ng ma-
raming uri ng mga baril, bilang matuwid na ad hominem o naaang-
kop sa tao o upang gamitin sa pagtatanggol sa sarili, at nangagta-
tayong unti-unti ng mga simbahang bagay lamang sa parang ang
pagkakayari sa pagitan ng mga sagitsit ng mga punlo at mga awit
ng pananalanging katoliko, mga bagay itong sumusugat at nakatu-
lig sa pag-iisip ng mga naninirahan sa Pilipinas.

Iniingatan pa rin, bagaman may kahirapan na sa maraming
pook, ang mga dating alamat at mga gawa noong sila'y nagsasarili
pa, bilang pagtutol o kaya'y paghamon, o dahil sa pinagkagawian
o sa matibay na pananalig at katigasan ng ulo.

_______

1 Tinutukoy ang mga mamamayan sa Mindanaw at sa mga Pulo ng
Sulu, na ang pinananampalatayanan ay ang relihiyon ni Mahoma.

162