Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/181

This page has been proofread.

SI SINAGTALA AT SI MARIA MALIGAYA

Sa Maalat o Malate, gaya ng tawag ngayon ng mga kastila ay doon nakatira ang mga labi ng dating dugong mahal na tagalog sa Maynila. Nang panahong iyon, ang pook ay isang kaakit-akit na kabayanan, may mga bukiring maganda ang kulay, mga gulayan at halamanang puno ng bulaklak, may maliliit na bahay na yari sa bato, tabla kawayan, naliligid ng mga balkong maluluwag, at halos natatakpan ng isang bubong ng mga halamanang binubuo ng mga baging na napapalamutihan ng mga bulaklak na may iba't ibang kulay. Ang Malate noon ay siyang pook na pinagpaparaanan kung araw ng linggo ng mga mayayaman sa Maynila dahil sa magagara't masasayang pistang idinaraos, kung minsa'y sa paliligo sa dagat sa kanugnog na dalampasigan, kung minsa'y sa mga gubat-gubatan, sa mga halamanan, sa lilim ng mga puno ng niyog at bunga, ng mga puno ng saging at mga kawayan, sa saliw ng tugtog ng mga gitara, ang matamis na halinghing ng dagat at awit ng mga ibong hindi gaanong tinutugis nang panahong iyon. Katulad ng sinabi ng makatang pilipinong si Alaejos:

"Doo'y kinukulot ng hihip ng hangin

ang along tahimik,

Na may malumanay na ibinubulong

sa buhanging pikpik."

Ang kamaharlikaang pilipino, na sinamsaman ng mga dating pamamahay sa Maynila at sa Tundo, ay pinagkalooban doon ng bagong tirahan, pook na di masama ang pagkakapili sa dalampasigan ng dagat at higit sa lahat ay naaabot ng mga kanyon ng kuta ni San Andres, sakaling may mangyaring anuman.

Nang itakda para sa kanila ang Maalat upang maging bayan nila, ang gobernador, sa hawig ng isang parang nagkakaloob pa ng biyaya, ay nagsabi:

— Sa ganitong paraan ay lagi na kayong sasailalim ng makapangyarihan ng sandata ng Espanya, at minsan pang mananalig kayong kapaki-pakinabang sa inyo ang pakikipagkaibigan sa kanya, sa dahilang laging maipagtataggol nang may katiningang loob, ang inyong kapanatagan at inyong mga tahanan laban sa sinumang kaaway, sanhi sa lakas ng bisig niyang walang kapaguran at ng mga punlo ng kanyang makapangyarihang mga kanyon.

172