Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/185

This page has been proofread.

— Sumingaw na ang tubig, at halos hindi nakabasa sa balat ng ulo ko — ang tugon niya nang buong kalamigan ng loob. At ano naman ang pakialam ninyo sa bagay na iyan? Hindi ba't ako'y naliligo araw-araw, kumakain ako ng asin, at naglalangis sa buhok ko?

— At ang mga salitang binigkas ng paring kastila sa ibabaw ng iyong ulo? — ang tutol ng asawa niyang nagugulumihanan.

— Hindi ko naunawaan kahit na isang salita niya ang tugong sabay ng pagkikibit ng balikat at bagaman nagsalita siya nang mahabang oras ay hindi rin siya naunawaan ng mga sakristan, gayong sinasagot siya ng mga ito. Ano ba ang magagawa at ano ang kabuluhan ng mga salita kung hindi nauunawaan?

— Kung gayo'y bakit ka napabinyag? — ang usisa ng isang amain ni Isabel.

— Ano pa kundi upang ako'y makasal: sinabi ko sa aking sarili; ang kaunting tubig ay hindi makapagpapabago sa dugo ni Maambun. Nasumpungan ng mga dayuhang iyon na basain ang ulo ng lahat, ay yamang ang di-karaniwang kabaliwang ito'y nakahawa sa mga kamag-anak ng magiging asawa ko ay, pinagbigyan natin sila. Hindi iyan, hindi nga iyan ang lalong mahirap, kundi ang pag-aaral at pagsasaulo ng mga bagay na iyong napaka-di-karaniwan na tatlo o apat na iisa, na Inang isang Birhen o ng amang hindi naman ama at aywan ko kung ano pa, sa dahilang nalimutan ko na; iyo'y mga kasaysayang napakagusot at kahalak-halak, na gaya ng lahat ng itinuturo nila. Kaya huwag ninyong ibalita ito sa pare at baka manghimasok pa at papaghiwalayin kami; ang lalong mahalaga ay maging mabuti akong asawa ni Isabel, gaya ng pagiging mabuti ng lahat ng ingkong ko at ng inyo, na kailanma'y hindi napabinyag, at bayaan ninyo akong sumampalataya sa itinuro sa akin ng mga magulang ko at hindi sa mga sinasabi ng mga dayuhang iyan.

Hindi naging tutoong mahirap na ipatanggap ang bagong kasunduang ito sa kamag-anak, na ang pagkakristiyano ng karamihan ay gaya rin ng kay Maambun; at upang makapamuhay sila sa lilim ng kapayapaan, ay hinikayat sila ni Kamandagan, na siyang ama ni Maambun, upang manirahan sa Mainit o Los Banyos, isang dukhang bisita na ipinagkaloob kamakailan lamang sa mga Prayleng Pransiskano ng mga Prayleng Agustino. Humigit kumulang, ang Mainit ay katulad din ngayon sa karalitaan, bagaman nang panahong yao'y mayroon nang isang pagamutang walang tao, kasing

176