Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/186

This page has been proofread.


ilang na gaya rin ngayon, at gaya rin nito ay itinayo sa gugol ng mga indiyo sa bayan. Sa abang sulok na ito, si Kamandagan ay may ari-ariang dinadalaw nang manakanaka kapag umuuwi siyang galing sa mahahaba't di-napag-aalamang mga paglalakbay. Doo'y tumungo upang manirahan sina Maambun at Isabel at doon kumita ng liwanag ang dalawang kambal na anak na babae.

Sa pagsunod sa mga kaugalian ng mga tagalog, nang ipanganak ang kambal, ang una'y isinunod sa katayuan ng ama at nginalanang Maligaya; ang ikalawa'y nginalanang Maria Sinag-tala.

Doon lumaki at tinuruan ang dalawang magkapatid na babae. Si Sinag-tala, bagaman bininyagan, ay namuhay at lumaking parang isang di-binyagan, at ang buong relihiyon niya'y nauwi sa pagparoon sa gayon o ganitong araw ng linggo sa Bay upang makinig ng misa, manood ng ganito o gayong prusisiyon at wala nang iba pa. Tutoo rin naman na maging ang ina niya'y hindi rin gumagawa ng higit pa sa roon.

Paminsan-minsang dumadalaw roon ang matandang Kamandagan, at sinisikap nitong ang mga apo niya'y mag-angkin ng poot sa mga bagong panginoon at sa relihiyon nito, sa pamamagitan ng pagsasaysay ng mga pangyayaring nakaraan, mga pangyayaring ang isa't isa'y lagi nang lumilitaw sa ilalim ng maiitim na kulay. Nguni't hindi tumatagal ito sa dahilang si Kamandagan ay muling nawawala nang mahabang panahon.

Sa katunayan, ang anak na ito ni Numanatay ay sumumpa ng isang walang hanggang pakikipagkagalit sa mga taong inaakala niyang siyang nagsipatay sa ama niya, at bilang indiyo nang mga panahong iyon, ay lalong banal sa kanya ang isang sumpa ng paghihiganti. Nang taong 1585 ay pinaghinalaan na siyang kalahok sa paghihimagsik na sinasabing binalak ng Kapampangan, Maynila. at ng mga taga-Borneo, paghihimagsik na nabigo dahil sa pagkakasumbong na ginawa ng isang babaing indiyong asawa ng isang kawal. Tutoo man o hindi ang alingawngaw na ito, ang nangyari'y marami ang binitay at binaril at ang binatang si Kamandagan ay muntik nang hindi makaligtas at salamat sa pagtakas niya sa Hilaga ng Luson. Marami ang nagpapalagay na siya'y lumahok din sa paghihimagsik sa Kagayan noong 1589, na ang naging dahilan ay ang pabuwis at mga kahigpitan ng mga enkomendero; hindi nawalan ng nagpalagay na siya'y isang diwatang pagkalipas ng apat na taon ay lumitaw sa Bohol at pinapaghimagsik ang mga naninirahan doon, nakipaglaban sa tatlong mainit na sagupaan, at naka-

177