Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/19

This page has been proofread.


inyo na huwag ipalagay na ako'y mahilig kay Cervantes, sapagka't ako'y pinag-ukulan ng kanyang maraming magagandang pahina.) Kung sa malabis na karalitaan na siyang lumilikha ng gutom, ng kasalatan at ng maraming kasawian na sa kulangpalad na iyon ay siya nang laging nagpapahirap, ang isang abang anak ko ay matutong mag-ukol sa akin ng kanyang mga awit at mapag-akma-akma ang mga tinig nang ako'y handugan ng isang alay na lalong maganda at mahalaga kaysa aking sasakyang nagniningning at sa di masupil na mga kabayo ko; kung sa mahabang bilangguan, malungkot na piitan ng kaluluwang nagnanais makalipad, ang kanyang mahayap na panulat ay natutong magbuhos ng daloy ng nakasisilaw na tulain, na higit ang ligaya't kayamanan kaysa tubig ng ginintuang Pactolo, bakit natin ikakait sa kanya ang kalamangan sa iba at hindi natin igagawad ang tagumpay sa kanya, na siyang pinakadakilang katalinuhang namalas ng mga daigdig? Ang kanyang Quijote ay siyang aklat na lalong kinagigiliwan ng mga Paraluman, na samantalang masayang nagdudulot ng aliw sa mga nalulungkot at nahahapis, ay nagtuturo naman sa mangmang, at isa ring kasaysayan, kasaysayang lalong tapat ng mga kaugaliang kastila. Kaya nga, ako'y kasang-ayon ng matalinong si Palas, at ipagpatawad sa akin ng ibang mga diyoses na hindi kasang-ayon ng aking palagay.

JUNO — Kung ang kanyang pinakamalaking kahalagahan ay nababatay sa mga pagtitiis ng maraming kasawian, pagka't sa ibang bagay ay hindi niya mahihigtan ang sinuman kung sakaling hindi siya matalo, ay sasabihin kong si Homero man naman, isang bulag at hikahos ay nagkaroon din ng isang panahong lumungoy at humingi ng habag sa mga tao (bagay na hindi ginawa ni Cervantes kailanman), sa paglalakbay sa mga bayan-bayan at mga lunsod na walang kasama kundi ang kanyang kudyapi, na tangi niyang kaibigan, at nabuhay sa lalong ganap na kasalatan. Ito'y maaalaala mo nang lubos, walang turing na Apolo.
VENUS — At ano? Si Virgilio ba'y hindi rin maralita? Hindi ba't siya'y nagdanas ng mahabang panahong walang ikinabuhay maliban sa isang tinapay na handog sa kanya ni Cesar? Ang kahapisang nalalanghap sa kanyang mga sinulat, hindi pa ba nagtuturing nang sapat na tiniis ng kanyang pusong maramdamin at maselan? Kakaunti ba ang kanyang tiniis, kaysa maningning na si Homero at sa mapagpasayang si Cervantes?

10