—Huwag kang magalit, kapatid ko, hindi ko sinasabi iyon sa
iyo upang ikaw ay sumbatan —ang tugon ni Maligaya; —sinasabi
ko lamang iyon upang......
—Upang ano?
—Aywan ko ba —ang sagot ng dalagang namula at muling
tumugtog sa gitara ng ilang himig na tugtugin; sa gayo'y naka-
lipas ang ilang sandaling hindi nag-uusap ang dalawang magka-
patid.
—Si Martin ay nababalam! —ani Sinag-talang sinamantala
ang pagtigil ng kapatid niya.
Sa pamamagitan ng mga salitang ito'y ipinakilalang nakalipas
na ang kanyang sama ng loob. Si Martin, na isang mang-aawit
sa simbahan ng San Agustin, ay tagahanga ni Maligaya.
—Tunay nga, —ang walang-bahalang sagot.
Alam ko na ngayon —ang biglang bulalas ni Sinag-tala na
may kahina-hinalang himig —kung bakit sinabi mo sa aking ma-
niniwala ka sa sinasabi ng mga pari kung ikaw ay kristiyano: na-
huhulaan ko na.
At tumindig na nakangiti upang yapusin ang kakambal niyang
kapatid.
—At ano ang nahulaan mo? ang usisa ni Maligayang may
bahagyang pananabik at parang nagnanasang makabasa ng nasa
isip ng kapatid sa mga mata nito.
—Nahulaan ko na —ang dugtong na tatawa-tawa —na ibig
mong maging kristiyano; aba, nahulaan ko na.
Nangagat-labi si Maligaya at tumitig sa kapatid, angkin ang
tinig at mga matang nababalisa.
—At bakit nais kong maging kristiyano? —ang tanong sa
isang tinig na basag, kahit na nakangiti at ng himig na mataginting.
—Sa dahilang si Martin ay kristiyano —ang sagot ni Sinag-
talang nakangiti.
Nang marinig ang gayon, si Maligaya'y nagbulalas ng isang
masaya't matapat na halakhak na ikinalito ng kanyang kapatid.
Ang pagkabalisa'y naparam na sa mukha niya at humalakhak na
rin siya nang buong saya.