Si BELONA29 ay sumatabi ng magagaliting si MARTE, at nakahandang tumulong.
Nang mapansin ni APOLO ang anyo at kilos ni BELONA, ay binitiwan ang kudyapi, kinuha ang pana, bumunot sa malagintong suksukan ng isang palaso at tumabi kay MINERVA; isinabak ang busog, binanat ang pana, at humanda na sa pagtudla.
Ang Olimpo, na waring guguho na, ay nagimbal; ang liwanag ng araw ay nangulimlim at ang mga diyoses ay nanginginig.
(Katulad ng mga maninila ng laman at kakilakilabot na mga halimaw na napipipilan sa isang kulungang bakal, na sumusunod nang mapakumbaba sa tinig ng makapangyarihang manunupil, gayon din ang mga diyus-diyosang nagsiupo sa kani-kanilang likmuan, sa takot sa bala ng anak ni CIBELES, na, nang mamalas ang kanilang pagsunod, ay mabanayad na nagpatuloy ng pagsasalita:)
Tatapusin ko ang pagtatalo: ang Katarungan30 ang siyang titimbang sa mga aklat sa kanyang matuwid na di pagkiling kaninuman, at ang anumang sabihin niya ay susundin sa daigdigan, samantalang kayo'y susunod sa kanyang di mababaling pasiya.
29 Belona, ito'y isang diyosang kaibigan at kakampi ni Marte, mandirigma rin at marunong bumasa ng mga guhit ng palad ng tao, upang malaman ang daratnin.
30 Katarungan, ito ay isang makapangyarihang diyosang may piring, may dalang timbangan at may hawak na isang espadang mahaba at matalim. Ang kanyang tungkulin ay magbigay ng hatol sa anumang usapin.
13