Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/26

This page has been proofread.

2: — PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA *

Naito ang isang magandang paksa; at dahil din sa kanyang kagandahan ay napakadalas nang talakayin. Ang pantas, makata, makasining, manggagawa, mangangalakal, o mandirigma, matanda o bata, hari o alipin — ang lahat ay nakapag-isip na tungkol sa kanya, at nakapaghandog ng pinakamahalagang bunga ng kanilang isip o ng kanilang puso. Buhat sa taga Europang mulat, malaya't mapagmalaki sa kanyang maluwalhating kasaysayan, hanggang sa negro sa Aprika, na hinango sa kanyang mga kagubatan at ipinagbili sa hamak na halaga; buhat sa matatandang bayang ang mga anino'y aali-aligid pa sa kanilang mga mapapanglaw ng guho, libingan ng kanilang mga kaluwalhatia't pagdurusa, hanggang sa mga bansang makabago't lagi nang kumikilos at puno, ng buhay, ay nagkaroon at mayroong isang pinakamamahal na dilag, maningning, dakila, nguni't walang habag at malupit, na tinatawag na Inang-Bayan. Libu-libong dila ang sa kanya'y umawit, libu-libong kudyapi ang naghandog sa kanya ng kanilang mga makatang lalong matataas ang pangarap, ang naghain sa kanyang haran o sa kanyang alaala ng kanilang pinakamaningning na katha. Siya ang naging sigaw ng kapayapaan ng pag-ibig at ng kaluwalhatian, palibhasa'v siva ang laman ng lahat ng pag-iisip, at katulad ng liwanag na nakukulong sa isang malinis na bubog, siya'y tumatagos hanggang sa labas, na parang mga sinag na buhay na buhay.

At ito ba'y magiging sagwil upang siya'y pag-ukulan natin ng panahon? At tayo ba'y hindi maaaring mag-ukol sa kanya ng anumang bagay, tayong walang ibang kasalanan kundi ang pagkakahuli ng pagsilang sa maliwanag? Nagbibigay ba ang dantaong ika-labinsiyam ng karapatang huwag kumilala ng utang na loob?


*Ito ang unang artikulong sinulat ni Rizal nang siya'y dumating sa ibang lupain. Noo'y nasa-Barselona siya, Espanya, nang mga unang araw ng panahon ng Tag-araw ng taong 1882. Halos dadalawampu't isang taon pa lamang ang kanyang gulang noon.

Ang artikulong ito'y nalathala sa Diarong Tagalog sa Maynila ng ika-20 ng Agosto ng 1882, sa wikang kastila at wikang tagalog, sa ilalim ng sagisag na LAONG-LAAN. Ang salin sa Tagalog ay ginawa ni Marcelo H. del Pilar. Ang lathalang ito'y nakatawag ng kalooban ng marami sanhi sa pagtataglay ng uring makabayan, kaya't ang patnugot ng pahayagang Diariong Tagalog, na si G. Francisco Calvo ay di nagsayang ng panahon at nagpahatid agad kay Rizal ng isang malugod na pagbati, bukod pa sa pakiusap na siya'y padalhan ng iba pang mga lathalaing buhat sa panulat ni Rizal.

17