Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/28

This page has been proofread.


din; maging anaki'y diwata sa isang halamanang maalindog, naliligid ng mga bughaw na alon ng karagatan, nakahahalina at marikit, gaya ng pangarap ng napaglalalangang kabataan; maging natatakpan ng isang lambong ng yelo, nakaupong malungkot sa mga dulo ng daigdig, sa silong ng isang langit na walang araw at walang tala; maging anuman ang kanyang ngalan, ang kanyang gulang o ang kanyang kapalaran, siya'y lagi na nating minamahal, gaya ng pagmamahal ng anak sa kanyang ina sa gitna ng gutom at ng karalitaan.

At bagay na kataka-taka! Habang siya'y lalong aba't kulangpalad, habang lalong nagdurusa nang dahil sa kanya, ay lalo naman siyang sinasamba at hanggang sa nagtatamo ng kaligayahan sa pagtitiis nang dahil sa kanya. Napansing ang mga naninirahan sa mga bundok at sa mga di-linang na kaparangan, at yaong mga isinilang sa lupang tigang o mapanglaw, ay siyang nag-aangkin ng lalong buhay na alaala ng kanilang bansa, at walang nasusumpungan sa mga lunsod maliban sa malabis na pagkainip na siyang pumipilit sa kanilang magbalik sa kanilang tinubuang lupa. Ito kaya'v dahil sa ang pag-ibig sa inang baya'y sivang pinakawagas, pinakamagiting at pinakadakila? Ang pagkilala kava ng utang na lorb. ang pagkalugod sa lahat ng nakapagpanagunita ng ating mga kauna-unahang araw, ang lupa kavang kinahihimlayan ng ating mga nuno, ang templong kinadoroonan ng sinasamba nating Diyos sa pamamagitan ng katapatan ng walang malay na kamusmusan; ang tunog ng batingaw na nakaaaliw sa atin buhat sa pagkabata, ang mga malalawak na kaparangan, ang lawang bughaw, na may mga kaakit-akit na pasigan at pinamangkaan nating lulan ng matuling bangka; ang malinis kayang saluysoy na humahalik sa masayang dampang natatago sa pagitan ng mga bulaklak na parang pugad ng pag-ibig; o ang ganitong matamis na damdamin? Ang sigwa kaya, na kumakawala, humahagupit at naghahapay, sa pamamagitan ng kanyang kakilakilabot na haginit, ng tanang nasasagasaan sa dinaraanan niya; ang lintik kayang nakatakas sa kamay ng nakapangyayari at pumupuksa sa bawa't tamaan; ang agos kaya o ang talon ng tubig, mga bagay na walang tantan ng paggalaw at walang tugot ng pagbabala? Ang lahat kayang ito ang sa ati'y nakaaakit, nakararahuyo't nakahahalina?

Marahil, ang mga kariktang ito o ang mga sariwang gunita ang siyang nagpapatibay sa taling bumigkis sa atin sa lupang sinilangan at nagbubunga ng matamis na katiwasayan kapag tayo'y nasa-ating bayan, o kaya'y ng matinding kapanglawan kapag ta-

19