Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/30

This page has been proofread.

Datapuwa't, sa kabilang dako, ang pag-ibig sa inang-bayan ay hindi napaparam kailanman kapag nakapasok na sa puso, palibhasa'y nagtataglay sa kanyang sarili ng tatak na maka-Diyos na ikinapagiging walang kamataya't walang hanggan.

Sinasabing ang pag-ibig kailanman ay siyang pinakamakapangyarihang tagapagbunsod ng mga gawang lalong magiting; kung gayon, sa lahat ng mga pag-ibig, ang pag-ibig sa inang-bayan ay siyang nakalikha ng mga gawang lalong dakila, lalong magiting at lalong walang halong pag-iimbot. Kung hindi'y bumasa kayo ng kasaysayan ng mga ulat ng mga pangyayari taun-taon, ng mga alamat; pumasok kayo sa sinapupunan ng mga mag-anak; anong mga pagpapakasakit, pagbabata at mga luha ang ibinubuhos sa kabanalbanalang dambana ng inang-bayan! Buhat kay Bruto, na nagparusa sa kanyang mga anak na pinaratangan ng pagtataksil hanggang kay Guzman, ang mabuti, na pumayag na patayin ang kanyang anak, huwag lamang siyang magkulang sa tungkulin; anong mga dula, mga sakuna, mga pagpapakasakit ang hindi naisagawa alang-alang sa kagalingan ng hindi mapalubay na kadiyusang iyong walang maipapalit sa mga anak nila, maliban sa pasasalamat at mga pagpapala! At gayunman, sa pamamagitan ng mga bahagi ng kanilang puso'y nagtatayo sila ng mga maluwalhating bantayog sa inang-bayan; sa pamamagitan ng mga gawa ng kanilang mga kamay, sa pamamagitan ng pawis ng kanilang mga noo ay dinilig at napamunga ang banal na punong-kahoy, at hindi sila naghintay ni nagkaroon ng anumang gantimpala!

Masdan ninyo roon ang isang taong nagkukulong sa kanyang silid; sa kanya'y lumilipas ang lalong mahahalagang araw, ang mga mata niya'y lumalabo, ang buhok niya'y nangangabo at nalalagas na kasama ng mga pangarap niya; ang katawan niya'y nakukuba. Sinasaliksik niya sa loob ng maraming taon ang isang katotohanan, nalutas niya ang isang suliranin: ang pagkagutom at pagkauhaw, ang ginaw at alinsangan, ang mga karamdama't kasawian ay humarap na sunod-sunod sa kanya. Papanaog siya sa libingan, at sinamantala ang kanyang paghihingalo upang ihandog sa inang-bayan ang isang pumpon ng bulaklak para sa korona nito, isang katotohanan, bukal at simula ng libong pakinabang.

Ibaling ninyo ang tingin sa ibang dako; isang taong dinarang ng araw ang nagbubungkal ng lupa upang paglagakan ng isang binhi; siya'y isang magbubukid. Siya'y umaabuloy din sa pamamagitan ng maliit bagama't makabuluhang paggawa, sa kaluwalhatian ng kanyang bansa.

21