Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/38

This page has been proofread.


hinahagkan-hagkan ng simoy ng hanging nagpapaumbok sa mga layag, at nakikitang napakarahang tumatalilis na walang iniwan sa pagtalilis ng mga pakpak ng panaginip sa noo ng sanggol, ng unang kataga ng pag-ibig sa mga labi ng isang birhen, ng magkakaayos na tunog ng isang malayong orkesta sa katahimikan ng gabi. Anong mga simbuyo, anong mga damdaming totoong balabalaki ang sa bawa't hakbang ay tumitigatig sa puso kapag naglalakbay sa isang bansang banyaga't di-kilala? Doo'y bago ang lahat: mga kaugalian, wika, pagmumukha, gusali at marami pang iba lahat ay pawang karapat-dapat matyagan at bulaybulayin.

Katulad ng sinabing ang tao'y dumarami habang dumarami ang mga wikang nalalaman at sinasalita niya, gayon din naman, ang buhay niya'y lumalawig at nababago habang dumarami ang iba't ibang bansang nadadalaw niya. Lalo siyang nabubuhay sa dahilang siya'y nakakakita, nakararamdam, nagpapasasa, nakapag-aaral nang higit kaysa hindi nakakita liban sa iyu't iyon ding mga parang at iyu't iyon ding langit. Sa taong ito, ang mga araw ng kahapon ay siya ring mga araw ngayon at siya ring magiging araw bukas, alalaong baga'y nagkakasiya ang kanyang buong buhay, ang buong nakaraan, ang kasalukuyan at ang kanyang hinaharap, sa kauna-unahang bukang liwayway at sa kauna-unahang dapit hapon.

Anong pagbabago ang hindi nagagawa sa kaisipan ng isang dayo lamang na umaalis sa kanyang lupang tinubuan, at naglilibot sa iba't ibang bayan? Maliit na ibong datirati'y walang ibong. nakikita maliban sa tuyong damong kawad-kawaran ng kanyang pugad, at ngayo'y nanonood ng mga tanawin, malalawak na dagat, mga talon ng tubig, mga ilog, mga bulubundukin at mga kagubatan at lahat ng maaaring makapagbigay-sigla sa isang mapangaraping gunamgunam. Naitutuwid ang kanyang mga pasiya't kaisipan; napaparam ang maraming pagkabagabag; napagsusuri sa malapit ang noong una'y hinatulan nang hindi man lamang nakikita; nasusumpungan ang mga bagong bagay-bagay na pumupukaw ng mga bagong pagkukuro; kinamamanghaan ang tao dahil sa kadakilaan nito, gaya ng ito'y bulag na pagkamakanyahin ay nahahalinhan ng pandaigdig at pangmagkakapatid na pagpapahalaga sa lahat ng ibang tao sa daigdig at nawawakasan ang kanyang pagiging alingawngaw lamang ng mga kuru-kuro ng iba upang magpahayag ng mga sariling palagay, ng mga pasiyang napukaw ng mga tuwira't sariling kaalaman. Ang pakikisalamuha sa mga tao,

29