Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/39

This page has been proofread.


ang kahinahunan at matinong pagkukuro sa lahat ng gawain, ang malalim na pagmumuni, isang kaalamang nagbuhat sa karanasan tungkol sa lahat ng mga sining at agham, na kung hindi man malalim at ganap, ay wala namang pagkapawi at tiyak naito ang mga pakinabang na maaaring matamo sa paglalakbay ng isang diwang mapagmatyag at palaaral.

Maaaring ilarawan ng isang aklat ang mga mamamayan, ang kasaysayan, ang mga bantayog, ang mga gawa, ang relihiyon lahat ng may kaugnayan sa isang bayani; ang kaalamang ito bagama't kapaki-pakinabang at sapat ay hindi nakasisiya sa mapag. hinalang mambabasa na lagi nang naghahangad na siya rin ang makakita sa mga bagay-bagay; at malao't madali ay nalilimutan ang mga kaalamang palibhasa'y hindi natatanim sa alaala, gaya ng sa isang taong nakapaglibot, nakakita, nakadama at nakapagsuri, sapagka't ang mga ito'y nag-iiwan ng mga kaisipang ikinikintal ng mga pangyayari sa isang paraang hindi mangyayaring makalimutan.

Ang mga makabagong bansa'y nakakikilala ng pakinabang na natatamo sa ganitong uri ng mga pag-aaral at ang lahat ng mga hilig ay nauuwi sa pagpapaarmi ng mga sangkap ng pakikipagtalastasan.

Sa ganitong kaparaana'y naiuuwi ng manlalakbay sa kanyang bayan ang mabubuting paggamit na nakita niya sa mga iba at tinatangkang ang mga yao'y gamiting taglay ng mga kinakailangang pagbabago; ang iba ay mga kayamana't mga kalakal na wala sa kanyang bayan; ito naman ay ang pananampalataya, ang mga batas at ang mga kaugalian; at yaong isa pa ay ang mga kaugaliang panlipunan at ang mga nababagong pagsasaayos; at sa ganito'y naipapasok ang lahat ng ikabubuti ng lipunan, pananampalataya't pulitika. Magiging tanda, samakatuwid, ng pagkakaunlad ng isang bayan ang mabuting kalagayan ng kanyang mga kagamitan sa pakikipagtalastasan at pangangalakal, gaya ng pagiging tanda ng kalusugan ng tao ang mahinusay na pagtakbo ng dugo sa lahat ng ugat ng buong katawan; sa dahilang kung wala ng mga kagamitang ito ay walang pakikipagtalastasan, kung walang pakikipagtalastasan ay hindi mauunawaan ang mga pagkakabigkis, at kung walang pagkakabigkis ay hindi maaaring magkaroon ni ng pagkakaisa ni ng lakas, at kung walang lakas ni pagkakaisa'y hindi makararating kailanman sa kaganapan ni sa pagkakaunlad.

30