Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/41

This page has been proofread.

4. — ANG DAMDAMIN NG KAGANDAHAN

Ang diwa ng tao'y naaaninag sa lahat ng mga kilos niya, gaya rin ng ang sa isang lipunan ay sa mga diwa ng mga tauhan, atang sa isang bansa'y sa pangkalahatang pagpapakilala ng mga mamamayan. May mga barometrong nakapagpapakilala ng kalagayan ng kagandahang asal, pag-iisip at agham, walang iniwan sa mga barometrong ukol sa pagbabagu-bago ng panahon, bagaman ang mga barometrong iyon ay lalo pang mapagkakatiwalaan, kung masasabi ang ganito, lalo pang marami at nananatili. Ang mga pag-uurong-sulong na panlipunang dinaranas ng sangkatauhan, ang mga pagbabago, iyang mga pagdakila, pagkalupaypay, ang mga kagipitang humihingi ng masikap na paggawa, sapagka't paulit-ulit at hali haliling dumaraan ang tanang ikinapapatangi at itinatakda ng tanging kabuuran ng pagkatao sang-ayon sa maaaring gawing ganap, mapapagbago, mapalilipas at mabuway, ang kanyang pagsulong, ang kanyang panlulupaypay, ang kanyang pagkabimbin, ang lalong pinakamaliit na hakbang, ang kilos na hindi namalayan halos, ang lahat ay para-parang ipinakikilala at lahat ay ibinubunyag at ipinahahayag ng damdaming laganap sa kalikasan, na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, at ipinapaging ganap ng tao. Datapuwa't iyo'y nakahihigit sa mga kasangkapang nadarama, sapagka't ang mga bakas niya'y nakikintal, ang mga ibinubunga'y karaniwang nananatili, at nakikitalamitam sa mga nagkakasalin-saling lahi ng tao. Yao'y hindi ang ibong lumilipad na ang mga bakas ay ang hangin, hindi isang sasakvang-dagat na nag-iiwan ng isang malapad at malawak na bakas kung minsan, datapuwa't madali ring napapawi gaya ng mga pag-ibig na pahilako; hindi iyon ang biglang sinag ng liwanag sa mga lupaing tuwirang tinatamaan ng araw, na kumikislap kung gabi na parang kidlat sa lupa; ang lubhang mabagsik at kahanga-hanga datapuwa't maselang na manlilikha: nakapagbubuwal ng mga punong-kahoy, nakababaak sa bato, at nakapagpapabitak sa lupa hanggang sa kailaliman ng pusod nito. Ang damdaming ito ay siyang damdamin ng kagandahan.

Sa daigdig na nadarama, ang hangin ay pumupuno sa alangaang at nananaos sa lahat ng puwang: sa madilim na kailaliman ng yungib, sa magagarang bulwagan ng mga palasyo, sa kaputol na paraisong sa pamamagitan ng isang makulimlim na kakahayan ay nagkakanlong sa ilalim ng kawing-kawing na mga sanga ng luntiang tanghalan ng isang halamanan, sa di-karaniwan at ma-

32