pangarap ng silanganan at ng mga kadiyusan ng paganismo. Kung
kayo nama'y nasusuya na sa buhay, nalilingaw at nagsasawa sa kaningningang saan mang dako'y nakaliligid sa inyo, at ninanais ninyong ang kaluluwa'y makaramdam ng malamig na yanig, mga bagong damdaming nakapagpapasigabo upang maihanda sa mga matitimyas na damdamin, ang mahiwagang kapangyarihan niya'y
maghahatid sa inyo sa kaharian ng kamatayan: mapuputing bunton
ng yelo, mapapanglaw na abot-tanaw, isang langit na diwa'y tingga
at kaparis ng tingga'y malamig at hindi mararating, wala ni isang
dahon, ni isang bulaklak na nakapagpapasaya sa diwa, at sa magkabi-kabila'y ang kabagutan ng kamatayan, ang kadakilaan ng paghihingalo. Ililipat niya kayo sa mga panahong nakaraan ng inyong mga
nuno, ipaaalaala sa inyo ang mga pagpapakasakit nila, ang mga dula
ng panahong nakaraan, ang mga luhang itinigis sa inyong duyan
upang mamulaklak ang banal na halaman ng kalayaan at ng kaunlaran. Isang alaalang mahal, isang tulang yayat at maselan, isang
awit ng puso, ang lahat ng mumunting bagay na itong bumubuo
ng kakaunting mga sandaling maligaya ng buhay, ang lahat ng
ito'y para-parang iniingatan, ang lahat ay pinananatili ng sining na
itong siyang lalong laganap sa mga naisip ng mga tao.
Sa mga magagandang sining, ang pintura ay siyang tanging nauukol sa tao. Ang ibon ay humuhuni ng hindi magagayang awit sa ilalim ng mga dahon ng punung-kahoy o kaya'y nagpaparinig ng isang panambitan sa ibabaw ng isang sangang tuyo; ang malumanay na bulung-bulungan ng mga dahon ay hindi lamang isang tinig, manapa'y isang tugtuging gaya rin ng aliw-iw ng batis. Ang anasan ng mga alon at haginit ng hangin. Ang kastor ay guma- gawa ng kanyang lungga, na parang isang bihasang arkitekto, at ang gagamba'y gumagawa ng marupok niyang bahay sa hangin sa pamamagitan ng mahinang hibla.
34